Conrad Jun Tolosa
Ang mga magulang ang may awtoridad sa tahanan.
Ang mga magulang ang may awtoridad sa tahanan. Kasama ng awtoridad na ito ang malaking responsibilidad. Ang mga magulang ay inatasang palakihin ang kanilang mga anak sa disiplina at turo ng Panginoon. Tungkulin ng mga magulang ang pasunurin ang kanilang mga anak.
Sa aklat ng Kawikaan, sinasabi ang mga sumusunod:
- Ang kalokohan ay nakapaloob sa puso ng bata, ang yantok ang makakatanggal nito (22:15).
- Ang hindi gumagamit ng yantok sa anak ay hindi nagmamahal sa kanya, subalit ang mapagmahal na magulang ay nagdidisiplina (13:24).
- Disiplinahin ang bata para magkaroon ng pagasa; huwag padamay sa mga masisisi sa kanyang kamatayan (19:18).
- Sanayin ang bata sa landas na dapat lakaran, at pagtanda niya hindi niya ito tatalikdan (22:6).
- Disiplinahin mo ang iyong anak at bibigyan ka niya ng katahimikan; kasiyahan ng kaluluwa ang dadalhin niya sa iyo (29:17).
Sa Colossians 3:21 naman nakasulat para sa ama na huwag niyang galitin nang sobra ang anak upang ito ay hindi manlugmok.
Sa Deuteronomy 6:4-9, inutos ng Diyos sa mga ama ng tahanan ng Israel na dapat isapuso at ipako sa isipan ng kanilang mga anak ang mga alituntunin ng Diyos. Pag-usapan nila ang mga ito habang sila ay nakaupo sa bahay at kapag sila ay naglalakad sa kalye, kapag sila ay nahihimlay at sa kanilang pagbangon. Samakatuwid, sa lahat ng oras ay dapat tinuturuan ng ama ang anak tungkol sa kalooban ng Diyos.
Ang tanong ay ito: Ano ang bunga ng hindi pagdi-disiplina ng anak?
Dahil sa kahalagahan ng pagdidisiplina ng mga anak habang bata pa may utos din ang Diyos sa kanila. Sa Ephesians 6:1-3 at Colossians 3:20 nakasulat para sa mga bata na dapat nilang sundin ang kanilang mga magulang sa lahat ng bagay alang-alang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat at kalugod-lugod sa Kanya.
Sa ating panahon, apat ang malalakas na threats na kinakaharap ng ating mga kabataan:
1) Premarital Sex.Sobrang mapupusok na ang mga kabataan sa ngayon. Ito ang dahilan kung bakit pataas ng pataas ang premarital sex rate na nauuwi sa teenage pregnancies dito sa ating bansa. Ang mga teenagers na nabubuntis taon-taon ay lampas 200,000 na.
Wala na ba talagang pinakikinggan ang mga kabataan ngayon? Ang kanilang sinusunod ba ay pakiramdam na lamang?
Sa halip na mamalagi at tumulong sa bahay, magbasa, o mag-aral, gugustuhin pa nilang maglakuacha, magpunta sa internet shop para maglaro ng on-line games, mag-Facebook o makipag-on-line chat. Dito sila nakakaramdam ng kasiyahan. Hindi na mahalaga kung ang ginagawa nila ay tama o mali, mabuti o masama. Wala nang isip-isip. Sige na lang nang sige. Kaya naman ngayon, walang pakundangan kung magsalita at kumilos ang mga kabataan.
2. Droga. Doce or trece anyos pa lamang ay makikita na ilan sa ating mga kabataan ang naninigarilyo, umiinum ng alak, humihithit ng marijuana o sumisinghot ng glue. Sa halip na maging high sa pag-aaral, sila ay nagpapaka-high sa iba’t ibang uri ng ipinagbabawal na nakaka-addict na bagay.
Ang kabataan na nasasangkot sa paggamit ng illegal drugs kadalasan ay napre-pressure lamang ng mga kakilala dahil sa pagnanasa na makamtan ang paghanga o pakikisama ng isang grupo. Ang mga kulang sa pansin ay madaling masilo ng tactikang ito.
3) Sugal. Ang pagsusugal ay maaaring humantong din sa addiction tulad ng sigarilyo at alak. Ang pinakapopular na sugal sa Pilipinas ay jueteng. Dahil maliit lamang ang taya, bata, matanda, lalaki, babae, ang lahat ay gustong tumama para maging one-day-millionaire. Kaya, sige-sige lang ang taya.
4) Masamang barkada. Sinasabi sa Bibliya na, Bad company corrupts good character (1 Corinthians 15:33). Nagbunga ito ng kasabihang, Tell me who your friends are, and I will tell you who you are. Kung sino ang barkada mo, ganoon ka. Dito lumalabas ang kahalagahan ng mabuting sambahayan, kung saan habang lumalaki at nagkaka-isip ang mga kabataan ay nakararanas ng suporta sa iba, sila rin ay natututong maglaan ng suporta sa kanilang mga kasamahan. Ang mga magkakapatid at magpipinsan na lumalaking magkakaibigan ay nalalayo sa masasamang barkadahan.
Walang laban ang mga kabataang Pilipino sa mga threats na ito kung hindi sila matuturuan ng salita ng Diyos.
Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.