Conrad Jun Tolosa
Ang bagong disciple ni Cristo ay makikilala lamang natin ng lubos kung madalas natin siyang makasama. Anyayahan siya sa mga gawaing atin dinudulugan sa church. Kabalikat natin ang mga seryosong disciple-makers sa pagpapalago sa bagong mananamapalataya kay Cristo.
Tulad ng pagsasama ng Panginoon sa Kanyang mga alagad saan man Siya pumaroon, lagi rin nating anyayahang sumama ang ating dinidisipulo saan mang gawain tayo dudulog. Ating tandaan na ang Salita ng Diyos ay mainam di lamang sa pagkakamit ng karunungan kundi sa pagtutuwid at pagsasanay sa kabutihan. Sa pamamagitan lamang ng madalas na pagsasama sa mga lakaran makikilala natin ng lubusan ang isang bagong kakilala. Hindi naman natin dapat isipin na tayo ay nag-iisa sa pagpapalago ng isang alagad ni Cristo. Marami tayong kabalikat sa gawaing ito. Dapat lamang nating alamin kung sino ang mahuhusay magturo. Alamin din natin kung saan makakakuha ng mga pagsasanay na walang bayad upang hindi maging sagabal ang kakapusan sa pera. Mahalaga na malaman natin kung saan-saan tayo makakakuha ng tulong. Darating ang panahon na ang ating dinidisipulo ay magiging handa na upang siya man ay makasunod sa mga yapak ng Panginoon at ng Kanyang unang mga alagad.
Ang pagsamba ay ang pagbibigay puri sa kadakilaan ng mga katangian ng Diyos at pagpupugay at pasasalamat sa Kanyang mga kamangha-manghang ginawa.
Sa ating panahon, napakarami ang mga iba’t ibang denominasyon ng Cristianismo at iba’t iba ang kanilang paraan ng pagsamba. Mayroong kulang ang isang oras sa paulit-ulit na kantahan ng lirico ng isang awit habang dumadagundong ang drums at pinupunit naman ang hangin ng electric guitar na lumalabas sa magaspang na mga speakers. Parang lumalabas na pinapasigla nila ang kanilang emosyon hanggang sa masabing damang-dama nila ang Espiritu ng Diyos. Mayroon din namang punong-puno ng showmanship ang mga nasa entabladong sumasayaw habang nagtatamburin ang mga maliliksing kamay. At mayroon pa rin Broadway na Broadway ang dating ng choir. Subalit ang tanong ay: Kumusta naman ang pangangaral at pag-aaral ng Salita ng Diyos?
Sinasabi ni Cristo sa Matthew 18:20 na kapag may dalawa o tatlong nagtipon sa Ngalan Ko, nandoon Akong kasama nila. Ito ay isang pangako ng ating Panginoon na punong-puno ng kahalagahan at oportunidad. Mahalaga sapagkat kinakailangan natin ang Kanyang presensya saan man ang ating gawain o ano man ang ating sitwasyon. Oportunidad sapagkat hindi mahirap magkaroon ng pagkakataon na magtipon ang dalawa o tatlong tao. Hindi rin mahirap na sila ay may mapagkasunduan. Ang kanilang relasyon ay maaaring magsimula sa mag-kasamang pagsamba at sa paglilingkod sa isa’t isang pamilya. Simula sa bilang na dalawa o tatlo maaari silang dahan-dahang lumago depende sa pagkilos ng Panginoon. Ang mahalaga ay ang pagiging handa nilang sumamba sa Diyos at maglingkod sa ibang kapatiran.
Sinabi ni Cristo sa John 4:21-24 na ang Diyos ay espiritu at ang mga sumasampalataya sa Kanya ay sasamba sa espiritu at katotohanan. Kaya nga, kung dalawa o dalawang libo man ang nagtipon upang sumamba sa Diyos, sa isang maliit na silid o malapalasyong simbahan, ang mahalaga ay ang uri ng kanilang pagsamba. Ang Diyos ay laging nakatingin sa puso ng tao (1 Samuel 16:7). Sa ating panahon, nararapat na siguraduhin ng mga worship leaders na ang mga awiting ipakakanta nila sa congregasyon ay pagsamba sa Diyos at hindi punong-puno ng tungkol sa mga sumasambang tao at kung ano ang nangyayari sa kanila.
Ang paglilingkod sa Diyos ay ang paglilingkod sa isa’t isa sa loob at labas ng iglesya. Ang Bagong Tipan ay punong-puno ng pakikipag-isa’t isa. Tunghayan at tularan natin ang mga sumusunod:
- Maging tapat kayo sa isa’t isa at bigyan ninyo ng karangalan nang higit sa inyo ang isa’t isa (Romans 12:10).
- Makipag-ugnayan ng maayos sa isa’t isa (Romans 12:16).
- Huwag maghusgahan ang isa’t isa (Romans 14:13).
- Makipagkasundo sa isa’t isa (1 Corinthians 1:10).
- Paglingkuran ang isa’t isa nang may pagmamahal (Galatians 5:13)
- Maging mabuti at mahabagin sa isa’t isa (Ephesians 4:32)
- Makipag-awitan sa isa’t isa ng mga hymnal at espirituwal na kanta (Ephesians 5:19)
- Magpasakop sa isa’t isa alang-alang kay Cristo (Ephesians 5:21)
- Patawarin ang pagkukulang ng isa’t isa (Colossians 3:13)
- Pagpayuhan ang isa’t isa ng may karunungan (Colossians 3:16)
- Pasiglahin at palaguin ang isa’t isa (1 Thessalonians 5:11)
- Ensayuhin ang isa’t isa sa pagmamahalan at paggawa ng mabuti (Hebrews 10:24)
- Ipanalangin ang isa’t isa (James 5:17)
- Magpakumbaba kayo sa isa’t isa (1 Peter 5:5)
- Mahalin ang isa’t isa (1 John 4:7)
Iba’t iba rin ang agenda ng mga iglesya. Kaya naman napakaraming programa. Dahil dito, bising-bisi ang mga miyembro subalit hindi naman lumalago sa kanilang kaalaman sa kalooban ng Diyos. Maraming mga pastor ang walang sapat na pag-aaral at pagsasanay at walang tumitindig na elders na kaya ring magturo ng Salita ng Diyos.
Kapag tinagurian ang isang iglesya na sila ay biblical o evangelical ay hindi nangangahulugan na ganoon nga sila. May mga iglesya-local na walang pananagutan maski kanino man.
Kung tayo ay seryoso sa pagsunod sa ating Panginoong Jesus at seryoso rin tayo na makagawa ng mga alagad Niya, kailangan nating pag-isipan ng malalim ang mga nangyayari sa ating paligid.