Conrad Jun Tolosa
Ang kasiguruhan ng kaligtasan ng mga tupa ni Cristo ay nakasalalay sa kalooban ng Diyos at hindi sa tao.
Sinabi ni Cristo sa John 10:14-15 at 27-30 ay ito: Ako ang mabuting pastol; kilala Ko ang Aking mga tupa at kilala nila Ako – gaya nang kilala Ako ng Ama at kilala Ko Siya – at inilalaan Ko ang Aking buhay para sa kanila. Nakikinig sa Aking tinig ang Aking mga tupa; kilala Ko sila at sumusunod sila sa Akin. Binibigyan Ko sila ng buhay na walang hanggan, at sila ay hindi mapapahamak; walang makaaagaw sa kanila mula sa Aking kamay. Ang Ama, na nagbigay sa kanila sa Akin, ay mas dakila kanino man; walang makaaagaw sa kanila mula sa kamay ng Aking Ama. At Ako at ang Ama ay iisa. Napakaraming ginto’t diamante ang mga pangungusap na ito ni Cristo. Kapag hinimay-himay ang mga talatang ito, maisasalansan ang ilang mga katotohanan patungkol sa kaligtasan ng tao:
Una, May mga tupa na ibinigay ang Ama kay Cristo. Ang katotohanang ito ay muling binanggit ni Cristo sa John 17:6 habang Siya ay nananalangin sa Ama – Ipinahayag Kita sa kanila na Iyong ibinigay sa Akin mula sa mundo. Sila ay sa Iyo; ibinigay Mo sila sa Akin at sinunod nila ang Iyong salita. Kung ikaw at ako ay na kay Cristo sa ngayon, tayo ay sa Ama muna bago tayo napunta sa pag-aari ni Cristo.
Ikalawa, kilala ni Cristo ang Kanyang mga tupa. Sinasabi sa 2 Timothy 2:19 na kilala ng Panginoon kung sino ang sa Kanya. Sa John 6:39 naman ang sabi ni Cristo ay ganito: At ito ang kalooban ng nagsugo sa Akin, na hindi mawala isa man sa lahat na ibinigay Niya sa Akin, bagkos ay ibangon Ko sila sa huling araw. Sa kabaliktaran, ito naman ang sinabi ni Cristo sa iba na hindi sa Kanya: Hindi lahat nang kumikilala sa Akin na, “Panginoon, Panginoon,” ay makapapasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang magsasabi sa Akin sa takdang araw, “Panginoon, Panginoon, hindi ba nag propesiya kami sa Iyong pangalan, at sa Iyong pangalan nagtaboy ng mga demonyo at gumawa ng mga milagro?” Ang sasabihin ko nang maliwanag sa kanila, “Hindi Ko kayo kilala. Lumayo kayo sa Akin, kayong mga manggagawa ng karimlan (Matthew 7:21-23)!” Samakatuwid, mayroong kinikilala si Cristo at mayroong hindi.
Ikatlo, mare-recognize ng tupa ni Cristo ang Kanyang tinig at sila ay susunod sa Kanya. Mula sa John 10:3 hanggang 27, apat na beses ipinahayag ni Cristo na maririnig ng Kanyang mga tupa ang Kanyang tinig. Kaya naman pala na sa Romans 8:29 masasabi at sinasabi ni Apostol Pablo na yaong mga kinilala ng Diyos bago pa man ay itinalaga Niyang maihubog sa wangis ng Kanyang Anak, upang Siya ay maging panganay ng maraming magkakapatid. Samakatuwid, sa kanya-kanyang takdang panahon, tatawagin ni Cristo ang Kanyang tupa at makikilala nila ang Kanyang tinig sapagkat ito ay bahagi ng kanilang buhay.
Ika-apat, Buhay na walang hanggan ang ibinibigay ni Cristo sa Kanyang mga tupa. Dito, dapat nating bigyan ng definition ang ibig sabihin ng buhay na walang hanggan na ito ay buhay na walang katapusan kapag haba ng panahon ang pinag-usapan. At upang ating lubusang maunawaan ang buhay na walang hanggan, dapat muna nating unawain ang kahulugan ng kamatayan. May dalawang uri ng kamatayan – ang spiritual death (ang paghihiwalay ng Espiritu ng Diyos sa kaluluwa ng tao) at ang physical death (ang paghihiwalay ng kaluluwa ng tao sa kanyang katawang lupa). Dahil ang lahat ng tao ay ipinapanganak na patay sa espiritu, wala silang pagkakilala sa Diyos, na espiritu. Ang kahulugan ng buhay na walang hanggan na binanggit ng Panginoon sa John 17:3 ay ang makilala ng Kanyang mga tupa ang Ama at ang isinugo Niyang Anak na si Jesus.
Ika-lima, may kasiguruhan ng kaligtasan ang mga tupa ni Cristo. Dalawang pares ng kamay ang may hawak sa tupa ni Cristo ayon sa John 10:27-30 – kamay Niya at kamay ng Kanyang Ama. Ibig sabihin, ang kasiguruhan ng kaligtasan ng mga tupa ni Cristo ay nakasalalay sa kalooban ng Diyos at hindi sa tao.