Conrad Jun Tolosa
Ang mga elders ay mayroong tungkulin na magturo, magsanay at maghanda ng mga Cristiano sa kanilang paglilingkod tungo sa pagkakaisa, paglago sa kaalaman at sa pag-unlad ng buong iglesya (Ephesians 4:11-13).
Walang umiiral na awtoridad ang may karapatang ituro na maaaring labagin ang batas ng Diyos. Hindi nararapat turuan ng magulang ang anak na maging kawatan o pulubi. Hindi nararapat turuan ng mga elders ang mga mananampalataya na sumamba sa rebulto. Ang gobyerno ay walang karapatang utusan ang mga Cristiano na magtrabaho kapag Lord’s day. Ang tao na inuutusan ng isang may kapangyarihan na suwayin ang Diyos ay under obligation na tanggihan ito. Kinakailangang sundin natin ang Diyos at hindi ang tao (Acts 5:29).
Ang tanong ay ito: Ano ang mga katungkulan ng mga elders at ng gobyerno-sibil?
Ang mga elders ay mayroong tungkulin na magturo, magsanay at maghanda ng mga Cristiano sa kanilang paglilingkod tungo sa pagkakaisa, paglago sa kaalaman at sa pag-unlad ng buong iglesya (Ephesians 4:11-13). Ang mga Cristiano ay dapat turuan, sanayin at ihanda rin sa pagiging asin at ilaw ng sanlibutan (Matthew 5:13-16). May tungkulin ang mga Cristiano na kalingain ang mga nagugutom at nauuhaw, mga homeless, walang kasamahan, may sakit at ang mga nakapreso (Matthew 22:39, 25:34-40).
Mahalaga para sa mga pinuno ng iglesya na maunawaan ang kanilang tungkulin. Ang congregasyon ay hindi nabubuhay upang maisakatuparan ang kanilang vision o mga hangarin gaano man ito karangal. Ang mga elders ay mga lingkod sa congregasyon. Ang Diyos ay may iniatas na gawaing bukod-tangi sa bawa’t isa sa kanila. Ang mga elders ay dapat tumulong sa mga believers upang maunawaan nila ang plano ng Diyos para sa kanilang buhay at kung paano nila ito matutupad.
Sa kabilang dako, inatasan ng Diyos ang gobyerno-sibil na ipagtanggol ang buhay at ari-arian ng mga mamamayan. Kaya dapat nilang panatiliin ang kapayapaan at kaayusan sa bansa; pangalagaan ang kalikasan; ipagtanggol ang karapatan ng mga ordinaryong manggagawa laban sa mga mapagsamantalang negosyante o haciendero. Ang mga pinuno ng bayan ay may tungkuling ipatupad ang batas. Kung ito ay hindi maisasagawa, tiyak na kaguluhan ang maghahari sa bayan. Ang gobyerno ang dapat na magpatupad ng katarungan. Lahat ng pamahalaan ng tao ay itinatag ng Diyos para sa benepisyo ng mga nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan, upang sila ay makapamuhay ng mapayapa, marangal at may kabanalan (1 Timothy 2:1-2).
Ang iglesya at gobyerno-sibil ay parehong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Panginoong Jesu Cristo. Ang dalawang institusyon na ito ay sadyang pinaghiwalay ng Panginoon at hindi dapat mag-agawan ng awtoridad at magpigilan sa pagpapatupad ng kani-kanilang mga tungkulin.
Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.