Conrad Jun Tolosa
Ang mabuti ay yaong nagbibigay kasiyahan sa Diyos.
Ang ating mga pinaniniwalaan ang magdidikta kung ano ang ating mga pahahalagahan. Ang mga bagay na ating pahahalagahan ay ang mga iniisip nating mabuti at tama. Kung naniniwala tayo na ang kayamanan ang tanging makapagdudulot ng kaligayahan, pipilitin nating kumita ng maraming pera kahit na sa masamang paraan.
Ang tanong ay ito: Ano nga ba ang mabuti?
Sa simula sinabi ng Diyos, Magkaroon ng liwanag, at nagkaroon nga ng liwanag. Nakita ng Diyos na mabuti ang liwanag! Pagkatapos, ginawa ng Diyos ang kalangitan, karagatan at mga lupain. Sa lupa ay naglagay ang Diyos ng damo, mga bulaklak at mga puno. Nilikha Niya ang araw, buwan at mga bituin upang mabukod ang araw sa gabi. Pinuno Niya ang karagatan ng lahat ng klaseng isda at ang kalawakan ng lahat ng uri ng ibon. Nilikha ng Diyos ang lahat ng uri ng hayop at kung ano-anong mga gumagapang sa lupa. At, nilikha Niya ang tao. Sa ginawa Niyang paglilikha, pitong beses Niyang binanggit ang salitang “mabuti.” Ang Kanyang mga nilikha ay nagbigay kasiyahan sa Kanya.
Ang mabuti ay yaong nagbibigay kasiyahan sa Diyos. Ang masama ay ang nag-uudyok ng Kanyang galit at parusa. Naunawaan ni Eba’t Adan kung ano ang mabuti’t masama nang sila ay sumuway sa kautusan ng Diyos. Ang kanilang ginawa ay hindi naging kasiya-siya sa Diyos kundi ito ay nag-udyok ng Kanyang galit at parusa.
Sa Genesis 4 matutunghayan natin ang kuwento ng magkapatid na Cain at Abel. Minsan, pareho silang nagbigay ng handog sa Diyos. Si Cain ay magsasaka at si Abel naman ay isang pastol. Nasiyahan at tinanggap ng Diyos ang handog ni Abel mula sa matataba niyang tupa. Subalit tinanggihan ng Diyos ang handog ni Cain na mula naman sa kanyang ani. Sa Hebrews 11:4, malalaman natin ang kaibahan ng dalawang handog.
Ang handog ni Abel ay nagmula sa pusong may pananalig sa Diyos. Si Cain ay walang tiwala sa Salita ng Panginoon. Ang Diyos ay nakatingin sa puso ng naghahandog.
Ang paggawa ng para sa sariling kapakinabangan ay hindi mabuti sa mata ng Diyos.
Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.