Conrad Jun Tolosa

Karapat-dapat na ang tao ay sumamba at maglingkod sa Diyos.

Ang pagsamba ay ang pagsambit ng ating pagmamahal sa Diyos at pagbibigay puri sa Kanya at sa mga kamangha-mangha Niyang ginawa.

Ang inilalarawan ng salitang ginamit sa pagbebendisyon ng Panginoon sa tao ay ang pagluhod (Genesis 1:26-28). Kapag tayo ay nakaluhod sa harapan ng Diyos, dalawang bagay ang ating pinahihiwatig; pagsamba at pagpapasakop.

Samakatuwid, ang pagpapala ng tao ay nasasa pagsamba at paglilingkod sa kanyang Maylikha. Ang kanyang kaligayahan ay kalakip ng dalawang bagay na ito.

Ang pagsamba ay ang pagbibigkas ng mga dakilang katangian ng Diyos katulad ng ating mga binanggit kanina na Kanyang mga transcendent at immanent attributes. Ito ay ang pagbibigkas din ng karapatan ng Diyos na tumanggap ng lahat ng kaluwalhatian, karangalan at pasasalamat.

Ayon kay Cristo, sa John 4, ang tamang paraan ng pagsamba sa Diyos ay pagsamba sa espiritu at katotohanan. Ang paglilingkod sa Diyos ay ang pagpapatupad ng Kanyang layunin para sa tao. Ang original mandate na ibinigay kina Adam at Eve sa Garden of Eden before the fall ang maging mabunga at magparami ng bilang, ang pagpupuno ng mundo at pagsupil sa lupa at ang pamamahala ng mga isda sa karagatan, mga ibon sa kalawakan, at lahat ng gumagalaw sa balat ng lupa.

Patungkol sa paglilingkod sa Diyos, ang tamang paraan ay ang paglilingkod lamang sa Kanya, at sa walang iba pa ayon sa Matthew 4.

Sinabi pa ni Cristo sa Matthew 6 na, walang pakapaglilingkod sa dalawang panginoon. Isa dito ay kanyang mamahalin at isa ang kanyang kamumuhian. Hindi mo magagawang maglingkod sa Diyos at sa salapi.

Ang mga Pilipino ay palasimba. Kaya naman kapag araw ng Linggo, punong-puno ang mga simbahan sa buong bansa. Subalit dapat nating siyasatin ang ating mga puso kung ang ginagawa nating pagsisimba ay nagiging ritual lamang o obligasyon. At ang ating mga dasal ay galing lamang sa bibig at hindi sa puso’t kaluluwa.

Ang pagsamba at paglilingkod ay hindi mapaghihiwalay sa ating pamumuhay. Hindi maaaring masabi ng isang tao na siya ay sumasamba sa Diyos kung hindi naman siya naglilingkod. At hindi rin masasabing siya ay naglilingkod sa Diyos kung ang kanyang ginagawa ay hindi bunga ng kanyang pagsamba at pagmamahal sa Panginoon.

Hindi makita sa ating kultura na nagbubunga ang ating inaangking pagsamba at paglilingkod sa Diyos bilang mga Cristiano. Tayo ay nagsisimba ngunit hindi nagmamahalan. Tayo ay nagdarasal ngunit siraan ng siraan. Mayroon tayong tinatawag na Crab mentality.

Maging ang ating paligid ay puno ng basura. Ito ay nagpapatunay na hindi natin tunay na nauunawaan ang layunin ng Diyos para sa tao. O kung naiintindihan man, ito ay ating binabalewala.

Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.