Conrad Jun Tolosa
Ang katotohanan ay maaaring malaman sapagkat ihinahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili sa tao.
Mababasa natin mula sa Genesis 6 ang kuwento tungkol kay Noah at ng dilubyo (ang paggunaw ng mundo sa pamamagitan ng baha). Sinasabi ng Bibliya na noong panahon na iyon, sukdulan ang karimlan sa mundo. Ang patuloy na pinag-iisip ng sanlibutan ay pawang kasamaan lamang. Subalit si Noah ay isang matuwid na tao. Ipinahayag ng Diyos ang gagawin Niyang paggunaw ng mundo at sinabi Niya kay Noah kung paano siya at ang kanyang sambahayan makaliligtas. Ang matuwid na tao ay yaong may pagtitiwala sa salita ng Diyos na nauuwi sa pagsunod sa Kanyang kalooban.
Ang tanong ay ito: Paano natin malalaman ang katotohanan?
Si Noah ay taong gumagawa ng tama sapagkat mayroon siyang tiwala sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Si Noah at ang kanyang asawa, tatlong anak at kanilang asawa lamang ang nakaligtas sa kamatayan nang dumating ang bahang bumalot sa buong mundo.
Malalaman natin ang katotohanan sapagkat ihinahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili sa atin. Ang pagpapahayag na ito ay Kanyang isinasagawa sa pamamagitan ng dalawang paraan. Una, sa pamamagitan ng sangnilikha. Marami tayong matututuhan tungkol sa Diyos sa pag-aaral ng kalikasan – – ng sangkap nito at mga batas na dito ay nagpapagalaw. Subalit hindi lamang sa kalikasan ipinahayag ng Diyos ang kanyang sarili, sa katauhan ng mga propeta sa Lumang Tipan, itinuro ng Diyos sa mga Israelita ang paraan upang makapamuhay ng tama o matuwid.
Ang mga apostol at propeta sa Bagong Tipan naman ay nagsalita sa Iglesya ukol sa katuparan ng mga hulang taglay ng Kasulatan na tumutukoy sa pagdating ng Mesiyas.
Sa loob ng mga 30 taon, si Jesus ay namuhay sa lupa at nangaral tungkol sa Diyos at sa Kanyang kaharian. Ang mga pahayag na ito ay isinulat ng iba’t ibang tao sa ilalim ng masusing pagmamasid ng Diyos Espiritu Santo.
Ang tunay na katotohanan ay hindi nagmumula sa mga pangangatuwiran, pakiramdam, kaugalian, karanasan o sa haka-haka ng tao kundi sa Diyos lamang.
Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.