Conrad Jun Tolosa

Sinasabi sa Luke 12:48 na ang binigyan ng marami ay paghahanapan ng marami; ang pinagkatiwalaan ng marami ay hihingan ng mas marami.

Sa Matthew 25:14-30 ay matutunghayan ang isang parable ng Panginoong Jesus kung saan ipinagkatiwala ng isang mayamang tao ang kanyang mga ari-arian sa kanyang mga alipin bago siya nagsimulang maglakbay. Makaraan ang mahabang panahon bumalik ang Master at ang mga alipin na kanyang pinagkatiwalaan ay nag-report back sa kanya. Nadoble ng sukat ang iniwanan niya ng lima at dalawang sukat. Nasiyahan ang Master sa dalawa na sinabihan niya ng ganito: Naging matapat kayo sa maliit, pagkakalooban ko kayo ng mas malaki.

Subalit ang ikatlong alipin ay hindi naging matapat sa ipinagkatiwala sa kanya sapagkat ibinaon niya ang pera sa lupa dahil ang pagkakilala niya kay Master ay hindi maganda – – na siya ay nakikinabang sa hindi niya pinagpapaguran. Nagalit ang Master sa masama at tamad na alipin. Mabuti pa na diniposito mo na lang sa banko ang pera nang sa ganoon kumita man lang ng interest, ang bulyaw ng Master. Pinarusahan ang tamad na alipin at ang perang ipinagkatiwala sa kanya ay ibinigay sa may naipon na sampung sukat.

Marami ang matututuhan sa parable na ito. Isa na rito ang prinsipyo na ang mabuti, tapat at marunong na katiwala o trustee ay tatanggap ng gantimpala sa huling husgahan. At, ang mga tinagkakatiwalan ng resources ay nararapat na maging maingat at matalas sa pag-invest ng kanyang tinanggap.

Sinasabi sa Luke 12:48 na ang binigyan ng marami ay paghahanapan ng marami; ang pinagkatiwalaan ng marami ay hihingan ng mas marami. Ang ulirang maybahay na ating nakilala sa Proverbs 31 ay nagsisilbing halimbawa ng isang marunong at matagumpay na investor, na may pang-unawa sa prinsipyong ito ng Diyos. Pinag-aaralan niyang mabuti ang gagawin niyang paggamit ng puhunan. At, bukas din ang kanyang palad para sa mahihirap at pinaaabot niya ang kanyang tulong sa mga may pangangailangan. Ito ay isang uri ng mahusay na mag-invest sapagkat ang gawain ito ay naaayon sa kalooban ng Diyos.

Makikilala natin ang mga mayayamang Cristiano na may magandang kalooban sa Acts 4:32-35. Kung kinakailangang magbenta sila ng ari-arian dahil sa pangangailangan ng kapatiran, hindi sila nagdadalawang isip. Ginawa nila ang mabuting bagay na iyon sapagkat alam nila na ito ay ang kalooban ng Diyos para sa kanila noong panahon na iyon. Nauunawaan nila ang salita ni Cristo na nagsasabing, Higit na pagpapala ang makapagbigay kaysa sa tumanggap (Acts 20:35c).

Ang mga mananampalataya na hindi tinuturuan na magbigay ng ikapu sa gawain ng Panginoon ay malaking pagkukulang para sa kanila sapagkat mayroong malaking pagpapala ang tinatamo ng mga matapat at masayang nagbibigay. Sinasabi ni Cristo na kapag ikaw ay nagbigay, ito ay ibibigay sa iyo. Isang mainam na takal, siksik at umaapaw ang ibubuhos sa iyong kandungan (Luke 6:38). Samakatuwid, ang marunong na tao ay magiging bukas ang palad sa may mga pangangailangan sapagkat ang generosity ng Diyos ay hindi kayang lampasan ng tao. 

Patungkol sa bagay nang paghahanap ng marami sa pinagkalooban ng marami, huwag nating isipin na ang lahat ng yaman ay kaloob o pagpapala ng Diyos. Alam natin na maraming nangungurakot sa gobyerno ang nagtatangkang magbigay ng handog sa Diyos tulad ni Cain. Subalit hindi rin tatanggapin ng Diyos ang mga handog nila o ng anumang handog na galing sa masamang paraan. Hindi tumatanggap ng lagay ang Diyos. Tanggapin man iyon ng simbahan, hindi rin gagamitin ng Diyos ang salaping galing sa kasamaan para sa Kanyang gawain dito sa lupa. Isang uri ng handog lamang ang tinatanggap ng Diyos, at iyon ang tulad ng kay Abel – – handog mula sa pusong may pagtitiwala sa Kanyang salita.

Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.