Conrad Jun Tolosa
Sinasabi sa Proverbs 9:10 na ang pagkatakot sa Panginoon ay simula ng karunungan. Kinakailangan ang karunungan sa pagiging mahusay na economista.
Sinasabi sa Proverbs 9:10 na ang pagkatakot sa Panginoon ay simula ng karunungan. Kinakailangan ang karunungan sa pagiging mahusay na economista. Inilalarawan sa Proverbs 31 ang isang masaganang tahanan dahil sa mabuting pamamalakad ng ulirang maybahay sa kanyang sambahayan. Isa sa mga katangiang taglay niya ay ang pagiging masigasig at masigla sa pagtatrabaho. Hindi natin kailanman makikita ang marunong na tao na paista-istambay lang at inuubus ang oras sa kuwentuhan.
Nakakalungkot ang mga eksena na napagmamasdan sa mga depressed areas dito sa ating bansa. Ang mga bata ay nagkalat sa kalye. habang ang mga babae ay naglalaba, ang mga lalaki naman ay, tulad ng nasabi na, nakaistambay at nagkukuwentuhan lamang.
Ang tanong ay ito: Magtatagumpay ba ang isang Pilipino kung hindi siya lalabag sa batas?
Ang mga Chinoy ay mayayaman. Kung hindi man sobrang yaman, mayaman pa rin kumpara sa mga Pinoy. Hindi sila yumaman dahil pabanjing-banjing lang sila. Sila ay masisipag at masisigasig sa pagha-hanap-buhay. Ang mga Bombay ay makikita ding nagsisipag, at kung payong lang ang binebenta nila noong unang panahon, sari-saring negosyo na ang kanilang pinagkaka-abalahan ngayon. Hindi naman masasabi na ang lahat sa kanila ay yumayaman sa tamang paraan. Marami rin sa kanila ang tulad ng mga mandarayang negosyanteng Pilipino.
Ang matututuhan natin sa ulirang maybahay ng Proverbs 31 ay ang katotohanan na ang masipag at masigasig sa paghahanap-buhay ay hindi na kinakailangang labagin ang batas upang magtagumpay sa pagkita ng pera.
Dahil sa alam natin na nagtatagumpay sa paghahanap-buhay ang mga dumadayo sa ating bansa, hindi maaaring tanggapin ang dahilan ng mga tamad na wala namang makitang trabaho dito sa atin kahit maghanap man sila. Hindi rin dapat tanggapin ang dahilan na napakababa naman ng pasuweldo dito sa ating bansa.
Isang babalang taglay ng Proverbs 6:6-11 ay ito: Tamad, tumingin ka sa mga langgam, pagmasdan mo ang kanilang pamamaraan at maging marunong ka rin. Ang mga langgam ay walang mga supervisors at managers tulad ng tao, subalit sila ay gumagalaw ng may kaayusan; walang napagmamasdang kaguluhan sa kanilang pagkilos. Alam ng bawat isa sa kanilang lipunan ang kani-kanilang tungkulin. Nakapag-iipon sila ng pagkain para sa kanilang kabuuan habang hindi pa tag-ulan. Gaano ka katagal magpapahila-hilata diyan, batugan? Kailan ka babangon sa iyong pagkakahimbing? Konting tulog, konting idlip, konting himlay – – at ang paghihikahos ay darating na parang mandarambong, ang pagiging-salat na parang tulisan, ang pagpapatuloy ng Kawikaan.
Ang tao ay dapat maging masigasig at masipag sa pagtatrabaho at hindi dapat batugan kung gusto niyang magkaroon ng magandang kinabukasan.
Totoo ang kasabihan ng mga matatanda na kung may itinanim ay may aanihin. Totoo rin ang kasabihan na ang nabubuhay sa lagay ay hindi magkakaroon ng mabuting kalalagyan; at ang nabubuhay sa abot ay walang maaabot na magandang kabuhayan.
Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.