Conrad Jun Tolosa
Pinapaalalahanan tayo ng Panginoong Jesus sa John 17:16 na tayo, bagamat nasa mundo, ay hindi taga-mundo.
Sinasabi sa Genesis 4:10-18 na matapos palayasin ng Diyos si Cain, ito ay nagtungo sa lupain ng Nod, sa dakong silangan ng Eden. At doon matapos ang mahabang panahon siya ay nakapagtatag ng isang siyudad. Habang itinatatag ng Diyos ang Kanyang kaharian dito sa lupa gaya ng sa langit, ang mga tao naman dito sa lupa ay patuloy sa pagtatayo ng kani-kanilang munting kaharian sa mga subdivisions.
Pinapaalalahanan tayo ng Panginoong Jesus sa John 17:16 na tayo, bagamat nasa mundo, ay hindi taga-mundo. Si Apostol Pablo sa Colossians 1:13 ay nagsasabi na tayo ay iniligtas sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ni Cristo. Ang mga hinirang mula sa iba’t-ibang lipunan na nakakalat sa mundo ay hindi dapat tumingin sa mga bahay sa mga siyudad na tinayo ng tao na para nang pirmihang tahanan. Kahit tayo ay gumagalaw sa mundo, kinakailangan na ang ating mga mata ay nakapako kay Jesus at sa Kanyang kaharian.
Ang tanong ay ito: Saan dapat manirahan ang mga mananampalataya?
Bagamat napakarami ang mga tagpi-tagping barong-barong ang nagkalat sa Metro Manila, napakarami rin naman ang naglalakihang mga bahay at mansyon sa iba’t ibang dako ng Ortigas, Makati at Alabang. Ang kaligayahan ng mga Pilipino ay kadalasang nakatuon sa pagkakaroon ng bahay at lupa.
Nang ihayag ni Cristo sa Kanyang mga disipulo ang nalalapit Niyang pagpanaw, ang mga ito ay lubhang nalungkot at nabagabag. Upang sila ay pasiglahin, nagpatuloy na nagpahayag si Cristo. Sinabi Niya na sa tahanan ng Kanyang Ama ay maraming silid. Aalis Siya upang maghanda ng kanilang matutuluyan. At kung Siya ay maghahanda ng kanilang matitirhan, tiyak na Siya ay babalik upang sila ay sunduin (John 14:1-4). Tayong mga mananampalataya ay nakasisiguro ng permanenteng tahanan sa langit.
Marami sa mga negosyante, mga opisyal ng malalaking companya, at mga malakas mangurakot sa gobyerno ang walang tigil sa pagtratrabaho o paggimik upang mapalago nila ang kanilang mga kayamanan. Sila ay patuloy sa pagpapalakihan ng bahay.
Sa Matthew 8:20 sinabi ni Cristo na ang mga lobo ay may lungga at ang mga ibon ay may pugad, subalit Siya ay wala man lamang mahimlayan. Samakatuwid, hindi mahalaga kung tayo man ay may bahay o wala o kung malaki man ito o maliit lamang. Tayo ay dapat manirahan sa tahanan na ipinagkaloob sa atin ng Diyos habang tayo ay patuloy na naglilingkod sa Kanya.
Hindi naman ibig sabihin nito na wala ng katungkulan ang mga ama ng tahanan na paglaanan ang kani-kanilang pamilya ng desenteng bahay na matatawag na tahanan. Ating pakatandaan na hindi itatakwil ni Cristo ang pamilya ng Kanyang mga manggagawa.
Sa ating panahon, marami ang mga nagpa-pastor na tinitiis na magkahirap-hirap ang kanilang mga anak alang-alang daw sa gospel. Ang ganitong paniniwala ay nagreresulta sa pagtalikod ng mga anak sa gawain ng Diyos. Bagamat hindi sinasabi ng mga batang ito nang harapan sa kanilang magulang, mapapansin sa kanilang pagkilos na sila ay nahihirapang pagtugmain ang paghihikahos na kanilang dinaranas sa paglilingkod sa Panginoon.
Huwag nating kalimutan na kung nasaan man ang ating hanap-buhay, naroroon ang oportunidad na makapag-lingkod sa Panginoon.
Ang bahay ay hindi kinakailangang sariling pag-aari; puwede namang nirerentahan lamang; hindi kinakailangang malaki at magara para maging masayang tahanan.
Ang permanenteng tahanan ng mga believers ay nasa langit.
Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.