Conrad Jun Tolosa
Mahalin mo ang Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, buong isipan at buong lakas (Matthew 22:36-39; Luke 10:27).
Sa tuwing mangangaral ang Panginoong Jesus labis na namamangha ang mga nakikinig sa Kanya. Subalit may mga Hudyo na marurunong sa relihiyon ang madalas nakikipagdebate at ayaw patalo. Minsan isang abogado ang nagtanong kay Jesus upang subukan Siya, Ano ang pinakamahalagang utos sa batas ng Diyos? Ang sagot ni Cristo ay, Mahalin mo ang Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, buong isipan at buong lakas (Matthew 22:36-39; Luke 10:27).
Ang ating pag-ibig sa Panginoong Diyos o ang ating pagwawalang bahala sa Kanya ay mababakas sa ating pagsunod o pagsuway sa Kanyang mga kautusan at tagubilin. Ito ang sabi ng Panginoong Jesus, Kung mahal mo Ako, sundin mo Ako (John 14:15).
Sinasabi sa 1 Samuel 15:22 na ang pagsunod ay mas mabuti kaysa paghahandog. Kaya, hindi masusukat ang pagmamahal sa Diyos sa laki ng binibigay sa simbahan; at hindi rin sa lakas ng pakiramdam. Ang pag-ibig sa Diyos ay nabibigyang kahulugan lamang sa pakikinig at pagsunod sa Kanyang salita.
Ang tanong ay ito: Kung nakakabit sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ang pag-ibig sa Kanya, ano ang paraan upang lumago ang ating pag-ibig sa Panginoon?
Isa lamang ang paraan kung paano lalalim ang ating pagmamahal kay Cristo – iyan ay sa pamamagitan ng pagkilala sa Kanya nang lubusan. Ang mas malalim na pagkilala sa Kanya ang magpapalago sa ating pag-ibig sa kanya. At, isa lamang ang paraan ng pagkilala sa Kanya. Iyan naman ay ang pag-aaral ng Kanyang salita.
Sinasabi sa 1 John 4:19 na mahal natin ang Diyos sapagkat minahal Niya muna tayo. Ibig sabihin, ang ating pagmamahal sa Diyos ay reaction natin sa Kanyang pagmamahal. Kaya, kung nais nating lumago ang ating pagmamahal sa Panginoon, alamin natin kung gaano ba talaga tayo kamahal ng Diyos?
Ang gospel at mga liham ni Apostle John ang tunay na nakakapag-paliwanag ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Dapat na pagbulay-bulayan natin ang dalawang passages na ito:
Una, ang John 3:16 na nagsasabing, Gayon na lamang ang pagmamahal ng Diyos sa atin na ibinigay Niya ang Kanyang kaisa-isang Anak upang ang sinumang magtiwala sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ikalawa, sinasabi ni Cristo sa John 10 na ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa at binibigyan Niya ang mga ito ng buhay na walang hanggan.
Dalawang bagay ang ating dapat pagbulay-bulayan tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa atin. Walang pinagkait sa atin ang Kanyang pagmamahal at namatay si Cristo para sa atin nang tayo ay makasalanan pa.
Dapat din nating pakaisip-isipin na tayo ay binigyan ng Diyos ng dignidad nang tayo ay Kanyang likhain sa sarili Niyang wangis. At, idagdag pa natin ang mga katotohanan na tayo ay ginawa Niyang asin ng lupa, ilaw ng sanlibutan, Kanyang mga saksi at ambassadors (Matthew 5, Act 1, 2 Corinthians 5).
Habang lumalago ang ating pagmamahal sa Diyos, lalakas naman ang ating pagnanasa na sundin ang Kanyang kalooban. Tulad ng ating napag-alaman na sa mga nakalipas nating aralin, ang kalooban ng Diyos para sa atin ay nakapaloob sa tinatawag na Great Commission na nakatala sa Matthew 28:19-20, na nag-uutos sa Kanyang mga alagad na hanapin ang mga nawawala Niyang tupa, ibahagi sa kanila ang mabuting balita ng kaligtasan at turuan silang sundin ang lahat ng Kanyang pinag-uutos.
Ang involvement sa dalawang gawaing ito ang nagpapatunay kung gaano natin kamahal ang Diyos.
Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.