Conrad Jun Tolosa

Ang lipunan ay kapisanan ng mga mamamayan na namumuhay nang sama-sama.

Ang lipunan ay kapisanan ng mga mamamayan na namumuhay nang sama-sama. Mayroon silang pinagkasunduang sistema ng batas upang mapanatili ang kapayapaan nang sa ganoon sila ay makapangalakal tungo sa kaunlaran. Ibig sabihin, napakahalaga na ang mga kapisan sa isang lipunan ay may pagtingin sa isa’t isa dahil ang kapayapaan ay hindi mapananatili kapag may mga miembro na hindi contento sa kanilang kalagayan. Ang mga discontentong ito ay tiyak na magiging sanhi ng friction tungo sa disruption ng arawang pamumuhay ng lipunan.   

Pinangaral ng Panginoong Jesus na ang una at ikalawang greatest commandments ay, “Mahalin mo ang Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, buong isipan at buong lakas, at mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili (Matthew 22:36-39; Luke 10:27).

Madaling sabihin ng isang tao na mahal niya ang Diyos nang walang isip-isip. Kaya naman sinabi ni Apostol Juan na ang nagsasabi na mahal niya ang Diyos subalit hindi nagmamahal sa kapwa ay nagsisinungaling dahil sa kung sino ang nagmamahal sa Diyos ay dapat na nagmamahal din sa kanyang kapwa (1 John 4:20-21). 

Kung ano ang kalidad ng relasyon ng tao sa Diyos, gayon din ang kalidad ng relasyon niya sa kanyang kapwa.

Minsan ang magkapatid na Cain at Abel ay nagbigay ng handog sa Diyos (Genesis 4). Tinanggap ng Diyos ang alay ni Abel subalit tinanggihan Niya ang handog ni Cain. Ang kaibahan ng mga handog ay nasa naghandog. Si Abel ay may pusong nagtitiwala sa Diyos samantalang ang puso ni Cain ay malayo sa Diyos. Nagalit si Cain sa Diyos sapagkat kinalugdan ng Panginoon si Abel at hindi siya. Dahil sa hindi nagtiwala sa payo ng Diyos si Cain, ang kanyang galit ay nauwi sa ngit-ngit na nauwi sa pagpatay ng kanyang kapatid. Pinagdiskitahan ni Cain si Abel sapagkat alam niya na hindi niya kayang labanan ang Diyos.

Kung tayo man ay hindi pa nakasisiguro kung anong klaseng lipunan ang kahihinatnan ng mga taong namumuhay sa labas ng presensya ng Diyos, huwag na tayong magtaka. Sa Genesis 6 sinasabi na ang buong mundo ng panahon ni Noah ay puno ng kasamaan, karahasan at kabulukan. Ang patuloy na iniisip ng mga tao noon ay pawang kabuktutan lamang.

Ang tanong ay ito: Mayroon bang magagawang kabutihan sa kapwa ang mga taong walang takot sa Diyos?

Pinagdidiinan ng araling ito ang sinabi ng Panginoong Jesus na ang tao ay hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon, mamahalin niya ang isa at kamumuhian ang isa. Hindi tayo makapaglilingkod sa Diyos at Pera.

Nakalulungkot ang kinagigisnan ng mga kabataan dito sa ating bansa. Mataas man ang katungkulan o mababa, mayaman man o mahirap, ang ugaling napapagmasdan ay maipipinta sa kasamaan, karahasan, kabulukan at kabuktutan. Parang ang paghahari ng kasalanan ay hindi na mapigilan at wala nang katapusan. Maging opisyal man sa gobyerno o militar, maging tanyag man o pangkaraniwang mamamayan, sa kaliwa man o sa kanan, lahat ay sang-ayon na ang lahat ay gumagawa ng kasalanan alang-alang sa pagkita ng pera. Ang mga taong walang takot sa Diyos ay walang gagawing mabuti sa kanilang kapwa.

Subalit, may pag-asa pa. Masdan natin ang mga Cristiano matapos umakyat sa langit si Cristo. Sila ay may pagkakakaisa sa puso’t diwa. Walang nag-angkin na ang kanyang mga ari-arian ay sa kanya lamang. Kung kinakailangan, nagbenta ng bahay at lupa ang mga maykaya upang matulungan ang mga may pagkukulang.  Acts 4:32-35

Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.