Conrad Jun Tolosa

Pinagkaloob ni Cristo sa gobyerno-sibil ang pangangasiwa at pamamalakad ng kabuhayan ng mga mamamayan upang ang lipunan ay makapamuhay ng matahimik at ng may kabanalan. (1 Timothy 2:2). 

Sinasabi ni Apostol Pablo na ang bawat tao ay dapat pasakop sa mga namamahala sa bansa sapagkat walang gobyerno na hindi itinatag ng Diyos. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinatag ng Diyos.Ang mga gumagawa ng mabuti ay walang dapat ipangamba sa gobyerno. Subalit ang gumagawa ng masama ay dapat matakot dahil ang gobyerno ay inarmasan upang sila ay parusahan (Romans 13:1-4).

Ang tanong ay ito:  Kailan nagiging makatarungan ang pagpapatalsik ng mga namumuno sa gobyerno?

Sinasabi sa Genesis 6:5 na nakita ng Diyos na labis ang karahasan at kapusukan ng mga tao at wala na silang ibang iniisip kundi kasamaan lamang.Ang tawag sa kalagayan ng lipunan kapag wala nang sumusunod sa batas ng Diyos ay Anarkiya — inilalagay ng mga mamamayan ang batas sa sarili nilang mga kamay.  Ating tandaan na mayroong dalawang uri ng awtoridad – yaong ipinagkaloob at yaong inagaw.

Pinagkaloob ni Cristo sa gobyerno-sibil ang pangangasiwa at pamamalakad ng kabuhayan ng mga mamamayan upang ang lipunan ay makapamuhay ng matahimik at ng may kabanalan. (1 Timothy 2:2).  Subalit huwag nating kalilimutan ang sinabi ni Apostol Pedro sa Acts 5:14 na kailangan nating sundin ang Diyos at hindi ang tao, at huwag di nating kalilimutan na kung ang Diyos ang nagtatag ng kapangyarihan, Siya rin ang magpapabagsak nito. 

Kapag ang kalagayan ng bayan ay nahahalintulad na sa anarkiya kung saan ang batas ng bayan ay salungat na sa batas ng Diyos kailangang patalsikin ng mga mamamayan ang mga namumuno sa gobyerno sa paraang walang karahasan. Humahantong sa kalagayang ito ang isang bansa kapag ang kanyang mga mamamayan mismo ang walang pagsunod sa batas ng Diyos. Sila ay wala ng pakialam sa kalagayan ng isa’t isa at ang laman ng kanilang isipan ay puro pagkita ng pera na lamang.

Sa likod ng awtoridad ay responsibilidad. Ang mga magulang, church elders at government officials (elected man o appointed) ay binigyan ni Cristo ng kapangyarihan upang magampanan nila ang mga tungkulin na likas sa kanilang katungkulan.  Subalit huwag nating kalimutan na ang sumasakop at sinasakop ay parehong may pananagutan sa Diyos. Ang mga anak sa tahanan, ang mga believers sa mga iglesya, at ang mga mamamayan sa isang bansa ay may responsibilidad na sundin ang mga patakarang itinatalaga ng mga may delegated authority na galing sa Diyos.

Sa demokrasya, tulad dito sa ating bansa, mabigat na responsibilidad ang pagpapahalaga sa boto. Subalit ang paulit-ulit na mapapansin kapag panahon ng eleksyon ay ang pagbili at pagbebenta ng boto. Kung di man binebenta ang boto, ang candidatong ihahalal ay ang kakilala, ka-probinsiya, sports idol, celebrity, o sinumang sikat na personalidad kahit ang mga ito ay hindi qualified sa tinatakbuhang puesto. Kadalasan pa nga, ang mga hinahalal sa puesto ay nasangkot pa sa eskandalo o sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ito ay nagpapatunay na walang paggalang ang mga botanteng Pilipino sa mga principyo na nagmula sa bibig ng Panginoong Jesu Cristo na nakalathala sa Bibliya.

Bagamat ang kalagayan ng isang bansa, tulad ng ating bansa, ay tila wala ng pag-asa dahil sa patuloy na pagdaus-os sa kabulukan at karimlan, ang mga Cristianong mamamayan dito ay mayroon pa ring magagawa upang mailigtas ang buong bayan sa mga nalalapit na kapahamakan. Ang mga anak ng tunay na Diyos – ang mga tupa ni Cristo – dito sa Pilipinas ay ang ilaw at asin ng lipunan. Ang ilaw ang nagbibigay kaliwanagan sa pag-iisip ng tao, at ang asin ang nakapagpipigil sa kabulukan. Ang mga tunay na Cristiano ay may kapangyarihan sa bagay na ito. Kaya naman, kapag ang mga Cristiano ay nakihalubilo at nakipaghabulan na sa pagpaparami ng pera, wala nang titindig sa gitna ng kasamaan at kabutihan upang mamagitan sa panig ng kapayapaan contra sa kasamaan at upang manguna sa paghingi ng kapatawaran ng kasalanan at pagsusumamo sa kahabagan ng Diyos.

Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.