Conrad Jun Tolosa
Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili. Matthew 22:39.
Matapos sabihin ng Panginoong Jesus na ang pinakamahalagang kautusan ay ang mahalin ang Diyos ng buong puso, kaluluwa, isip at lakas, binanggit Niya na ang pangalawa ay tulad ng una: Mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili. Matthew 22:39.
Ang tanong ay ito: Paano ko mamahalin ang aking kapwa?
Aminin man natin o hindi, ang tanong na ito ay mahirap sagutin nang basta-basta na lamang. Ang Scriptura na rin ang makakatulong sa atin.
Una, himay-himayin natin ang nilalaman ng Matthew 25:31-46 na nagbabahagi ng mga impormasyon tungkol sa last judgment: Nakaupo ang Panginoong Jesus sa Kanyang trono at ang sanlibutan ay nasa Kanyang harapan kung saan ang mga tupa ay nasa Kanyang bandang kanan at ang mga kambing ay nasa kaliwa.
Binigyan ng parangal ni Cristo ang Kanyang mga tupa dahil sa ginawa nilang pagkalinga sa Kanya; nang Siya ay nagugutom, nauuhaw, walang malapitan, walang masuot, maysakit at nakapreso – bagay na pinagtakhan ng mga tupa sapagkat hindi nila naranasan ang anumang pangyayaring ito. Subalit ang sabi ng Panginoon ay ito: Ang ginawa mong pagtulong sa kaliit-liitan Kong kapatid ay ginawa mo sa Akin. Ang kabaliktaran naman ang Kanyang sinabi sa mga kambing na nasa Kanyang kaliwa – ang pinagkait ninyo sa Aking kapatid ay pinagkait ninyo sa Akin.
Unawain din natin kung bakit kapatid ang turing ng Panginoong Jesus sa mga tupa na Kanyang kinalugdan. Sinasabi sa John 1:12 na ang tumanggap sa Kanya at naniwala sa Kanyang pangalan ay pinagkalooban Niya ng Karapatan na maging mga anak ng Diyos. Sa Romans 8:29 sinasabi naman na ang mga kinilala ng Diyos ay Kanyang tinalaga na maging kawangis ng Kanyang Anak upang Siya ay maging panganay ng maraming kapatiran. Samakatuwid, ang mga tupa ni Cristo ay mga anak din ng Diyos.
Ikalawa, ang katuruang ito ay sinabi ng Panginoon in general terms. Kung baga, general guidelines na dapat balansihin ang mga particular na tagubilin tulad ng sinabi ni Apostol Pablo sa 2 Thessalonians 3:10 na nagsasabing, Ang isang kapatid na ayaw magtrabaho, ay hindi dapat pakainin. Hindi dapat abutan ng tulong ang mga tamad at ang mga ayaw tumalikod sa kanilang masamang ugali. Dapat din nating liwanagin na hindi pagtatakwil ang ibig sabihin na huwag pakainin ang mga tamad. Ang hindi pagtulung sa ang mga ito ay para na rin sa kanilang kapakanan sapagkat ang mga nagugutom ay mapipilitang maghanap-buhay.
Nararapat nating mahalin ang ating kapwa sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila sa oras ng pangangailangan. Atin ding alalahanin na hindi lahat ng pangangailangan ay sanhi ng katamaran o kasamaan. Mayroon tayong mga kababayan na naghihirap dahil sa dulot ng isang calamidad, tulad ng bagyo, lindol, sunog o nakaw, o kaya naman ay dahil sa pagka-layoff sa trabaho. Dapat natin silang tulungan sa abot ng ating makakaya.
Karimarimarim ang mga pangyayari sa ating bansa na ang mga pondo o pribadong donasyon na nakalaan para sa mga may pangangailangan, tulad na mga nabibiktima ng malalakas na bagyo, ay ninanakaw ng mga naka-puwesto sa gobyerno.
Sila ba ang mga kambing na tinutuloy pagdating ng last judgment?
Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na responsibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.