Home
Staff
Contact Us

-------------------------

About Us
Articles
Gallery
Short Stories
Devotionals

SUBMIT


30 Artikulo ng Biblical Christian Worldview

BIBLICAL CHRISTIAN WORLDVIEW ©

 

UNANG BAHAGI – ANG TUNGKOL SA TAMANG PANANAW

 

Artikulo 1 – Ang isang pananaw na nakabase sa katotohanan ay magbubunga ng mabuting moralidad na magbubunga naman ng tamang pamumuhay

 

     Lahat tayo ay may kanya-kanyang pananaw sa buhay at mundo.  Ang ating pananaw ay binubuo ng mga bagay na ating pinaniniwalaan at pinahahalagahan.  Ito ang nagbibigay kulay at kahulugan sa mga bagay at pangyayaring nagaganap sa ating paligid at nagbibigay hugis sa ating pagkilos.  Halimbawa, ang taong hindi naniniwala sa Diyos ay hindi magsisimba.  Ang taong walang pakialam sa karapatan ng mga nasa sinapupunan ay hindi sasalungat sa pagpapalaglag o abortion.  Ang mga kalalakihan na hindi pantay ang pagtingin sa mga kababaihan ay hindi maglalaan ng tamang respeto sa kanila.

 

     Ang tanong ay ito: Saan ba nakatayo ang iyong pananaw?

 

     Noon, maraming mga squatters ang namamalagi sa tabi ng tulay sa may amin. Minsan, dumating ang isang napakalakas na bagyo.  Marami sa mga barong-barong na itinayo  doon ang gumuho at nadala ng baha.  Maraming mga batang namatay. “Bakit tumitira ang mga tao doon sa bahay na walang pundasyon at sa may tabing ilog pa?” “At bakit sila pinapayagan ng gobyerno?”  Ito ang mga katanungan na hindi ko masagot sa aking sarili.

 

     Matapos ang isang mahabang pangangaral ni Cristo, sinabi Niya ang ganito, “Ang sinumang makarinig ng aking mga pangaral at magsapamuhay nito ay tulad sa isang marunong na tao.  Itinayo niya ang kanyang bahay sa bato.  Bumuhos ang ulan, umapaw ang ilog at humampas ang malakas na hangin; subalit hindi ito nagiba sapagkat ang pundasyon nito ay nasa bato.  Subalit ang sinumang nakarinig ngunit hindi nagbigay kabuluhan sa Aking mga pangaral ay tulad sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhanginan.  Bumuhos ang ulan, umapaw ang ilog, at humampas ang malakas na hangin, at ito ay nawasak at nagiba (Mateo 7:24-27).”

 

     Kung ang ating pananaw ay hindi nakatayo sa katotohanan, siguradong babagsak ang ating moralidad kapag nagkaproblema tayo, lalong-lalo na sa pera - tulad ng mga naguhong bahay sa tabing ilog na walang pundasyon nang bumagyo.  Habang dumarami ang mga pulubi, mga magnanakaw, mga prostitutes, mga drug addicts, madalas na ang sinisisi ng madla ay ang gobyerno.  Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na resposibilidad.  Kailangang magbago ang pananaw ng bayan.

 

Artikulo 2 - Ang katotohanan ay yaong sang-ayon sa sinasabi ng Diyos

 

     Ang paniniwala ay ang pagtitiwala sa katotohanan ng isang bagay, may katibayan man ito o wala.  Ang isang paniniwala na batay sa katotohanan ay makapagdudulot ng benepisyo samantalang ang isang paniniwala na batay lamang sa haka-haka ay maaaring mauwi sa kapahamakan.  Halimbawa, ang taong naniniwala sa suwerte ay madalas tumataya sa lotto, sa sabong o sa jueteng maski magkaubos-ubos man ang kanyang pera.  At kapag mayroong mabuting bagay na nangyayari sa kanyang buhay sasabihin niya na siya ay sinusuwerte.

 

     Ang tanong ay ito:  Paano mo malalaman kung ano ang totoo?

 

     Sa  Genesis 2, nasasalaysay ang ginawang pagsuway ni Eba’t Adan sa kaisa-isang utos ng Diyos.  Sinabi ng Diyos kay Adan na puwede siyang kumain ng bunga ng kahit anumang puno sa Hardin ng Eden maliban sa puno ng kaalamanan ng mabuti at masama.  Binalaan siya ng Diyos na kung siya ay kakain ng bunga nito, siya ay tiyak na mamamatay.  Ang sinabing ito ng Diyos ay pinabulaanan ng ahas sa hardin. Sinabi ng ahas kay Eba na hindi siya mamamatay maski kumain siya noong prutas na iyon.

 

     Ang totoo ay yaong sang-ayon sa salita ng Diyos.  Ang kasinungalingan naman ay ang kontra sa Kanyang salita tulad nang pagsasalungat na ginawa ng diablo.  Sinabi ni Cristo sa Juan 8:44 na ang diablo ang ama ng kasinungalingan.  Namatay nga si Eba’t Adan nang sila ay kumain ng bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama.  Tinamo nila agad-agad ang kamatayang espirituwal (ang paghihiwalay ng Espiritu ng Diyos sa tao) at namatay din ang kanilang katawang lupa matapos ang maraming taon.

 

     Minsan napag-usapan sa aming klase ang tungkol sa pagbabayad ng buwis.  Noong mga panahong iyon, ang tawag sa BIR ay Bigay Ikaw Regalo.  Balita ang pagiging corrupt ng maraming tax examiners.  Balita rin na ang mga yumayaman sa lagay ay malaking magbigay sa simbahan.  Naniniwala kasi sila na nababayaran ang kanilang mga kasalanang kapag sila ay nagbibigay sa simbahan o namumudmod sa mga mahihirap. Ang pagyaman sa ganitong iligal na paraan ay naging bahagi na ng kulturang Pinoy. Tinatawag natin ngayon ang nakapag-amas ng ill-gotten wealth na “ma-abilidad.”  At ang ating maling katuwiran ay, “Eh, bakit pa tayo nasa puwesto?”  

 

     Sa Exodo 23:8, pinag-utos ng Diyos sa Kanyang bayan ang ganito: "Huwag kayong tatanggap ng lagay, sapagkat ang lagay ay nambubulag at nagbabaliko ng salita ng katarungan.”  Sinasabi naman sa Proverbs 17:23 na, “Ang isang masamang tao ay tumatanggap ng lagay sa ilalim ng mesa upang patirin ang takbo ng katarungan.”

 

Artikulo 3 – Ang mabuti ay yaong nagbibigay kasiyahan sa Diyos

 

     Ang ating mga pinaniniwalaan ang magdidikta kung ano ang ating mga pahahalagahan.  Ang mga bagay na ating pahahalagahan ay ang iniisip nating mabuti at tama.  Kung naniniwala tayo na ang kayamanan ang tanging makapagdudulot ng kaligayahan, pipilitin nating kumita ng maraming pera kahit na sa masamang paraan. 

 

     Ang tanong ay ito: Ano nga ba ang mabuti?    

 

     Sa simula sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag,”  at nagkaroon nga ng liwanag. Nakita ng Diyos na mabuti ang liwanag!  Pagkatapos, ginawa ng Diyos ang kalangitan, karagatan at mga lupain.  Sa lupa ay naglagay ang Diyos ng damo, mga bulaklak at mga puno.  Nilikha Niya ang araw, buwan at mga bituin upang mabukod ang araw sa gabi.  Pinuno Niya ang karagatan ng lahat ng klaseng isda at ang kalawakan ng lahat ng uri ng ibon.  Nilikha rin ng Diyos ang lahat ng uri ng hayop at kung ano-anong mga gumagapang sa lupa.  At, nilikha Niya ang tao.  Sa ginawa  Niyang paglilikha, pitong beses Niyang binanggit ang salitang “mabuti.”  Ang Kanyang mga nilikha ay nagbigay kasiyahan sa Kanya.

 

     Ang mabuti ay yaong nagbibigay kasiyahan sa Diyos.  Ang masama ay ang nag-uudyok ng Kanyang galit at parusa.  Naunawaan ni Eba’t Adan kung ano ang mabuti’t masama nang sila ay sumuway sa kautusan ng Diyos.  Ang kanilang ginawa ay hindi naging kasiya-siya sa Diyos kundi ito ay nag-udyok ng Kanyang galit at parusa.

 

     Para makaupo sa bus, lumalakad ako mula sa Mendiola hanggang Quiapo.  Sa aking paglalakad marami akong napapansing nagpapalimos.  Minsan kasama ko ang isang kaeskuwela.  Nagbigay siya sa isang pulubi ng diyes sentimos. Malaki na yun ng mga panahong iyon.  Makakabili ka na ng Coke. Tanong ko sa kanya, “Bakit ka nagbigay?” Ang sagot niya, “Para makapasok ako sa langit.  Mas marami kang nagawang mabuti dito sa mundo, mas malaki ang iyong chansang makapasok,” ang hirit pa niya.  

 

     Sa  Genesis 4, matutunghayan natin ang kuwento ng magkapatid na Cain at Abel. Minsan, pareho silang nagbigay ng handog sa Diyos.  Si Cain ay magsasaka, si Abel naman ay isang pastol.  Nasiyahan at tinanggap ng Diyos ang handog ni Abel mula sa matataba niyang tupa.  Subalit tinanggihan ng Diyos ang handog ni Cain mula sa kanyang ani.  Sa Hebreo 11:4,  malalaman natin ang kaibahan ng dalawang handog.  Ang handog ni Abel ay nagmula sa pusong may pananalig sa Diyos.  Si Cain ay walang tiwala sa salita ng Panginoon.  Ang Diyos ay nakatingin sa puso ng naghahandog.

 

    Ang paggawa ng para sa sariling kapakinabangan ay hindi mabuti sa mata ng Diyos.

 

Artikulo 4 -  Ang tama ay yaong sang-ayon sa kalooban ng Diyos

 

     Nang lubhang nanlugmok si Cain dahil hindi tinanggap ng Diyos ang kanyang handog, tinanong siya ng Diyos ng ganito, “Bakit ka galit? At bakit lugmok ang iyong mukha? Kung gagawin mo ang tama hindi ka ba tatanggapin? Subalit kung hindi mo gagawin ang tama, ang kasalanan ay nakatanghod sa pintuan ng iyong puso; ang nais nito ay ikaw, subalit dapat mo itong mapagharian.”

 

     Ang tanong ay ito:  Ano nga ba ang tama?

 

     Hindi binigyang pansin ni Cain ang payo ng Diyos; bagkos ay hinayaan niyang maghari ang galit sa kanyang puso hanggang sa napatay niya ang kanyang kapatid. Makikita natin dito ang pagka-walang tiwala ni Cain sa salita ng Diyos.

 

     Ang tama ay yaong sang-ayon sa kalooban ng Diyos.  Ang mali ay ang pagsuway sa Kanyang kalooban. Mali ang ginawa ni Eba’t Adan nang suwayin nila ang utos ng Diyos. Mali din ang ginawa ni Cain sapagkat hindi niya pinakinggan ang payo ng Diyos; kaya nga nagawa niyang paslangin ang kanyang kapatid.

 

     Ang kaalaman sa kalooban ng Diyos ay napakahalaga.  Paano tayo makagagawa ng tama kung hindi natin alam ang dapat paniwalaan. At paano tayo makapaniniwala ng tama kung wala tayong alam tungkol sa pangaral ni Cristo.  Si Abel ay naniwala sa hinayag ng Diyos hinggil sa paghahandog at siya ay sumunod.  Ngunit si Cain ay naghandog ayon sa kanyang sariling paniniwala at ito’y hindi naging katanggap-tanggap sa Panginoon.  Pinayuhan ng Diyos si Cain subalit hindi siya nakinig.  Walang pagpapahalaga si Cain sa salita ng Diyos.

           

     Alam natin na ilang barumbadong tsuper lang ang kailangan upang mabara ang isang intersection.  Kahit alam na ng mga motorista na kapag hindi nagbigayan, lahat ng bumibiyahe ay maaabala. Bakit hindi makuha ng mga tsuper dito sa Pilipinas na magbigayan sa isa’t isa.  Bakit unahan nang unahan?  Bakit bale wala sa mga Pinoy ang makaistorbo ng ibang tao?  Bahagi na ba talaga ng ating kultura ang kasabihang, “Di bale na tayong maperhuwisyong lahat, huwag mo lamang akong malamangan!”

 

     Sinabi ni Pablo sa Filipos 2:4 na hindi lamang ang sarili nating interes ang ating dapat bigyang halaga kundi ang interes ng iba.  Itinuturo niya na ang kalooban ng Diyos para sa atin ay ang magbigayan.  Ito ang tamang gawin.  Subalit, sa ating mga lansangan at highways ay mapagmamasdan ang kamaliang taglay ng ugaling Pilipino.

 

Artikulo 5 – Ang katotohanan ay maaaring malaman sapagkat ihinahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa tao

 

     Mababasa natin mula sa Genesis 6 ang kuwento tungkol kay Noah at ng dilubyo (ang paggunaw ng mundo sa pamamagitan ng baha).  Sinasabi ng Bibliya na noong panahon na iyon, sukdulan ang karimlan sa mundo.  Ang patuloy na iniisip ng sanlibutan ay pawang kasamaan lamang.  Subalit si Noah ay isang matuwid na tao. Ipinahayag ng Diyos ang gagawin Niyang paggunaw ng mundo at sinabi Niya kay Noah kung paano siya at ang kanyang sambahayan makaliligtas.  Ang matuwid na tao ay yaong may pagtitiwala sa salita ng Diyos na nauuwi sa pagsunod sa Kanyang kalooban.

 

     Ang tanong ay ito:  Paano natin malalaman ang katotohanan?

 

     Si Noah ay taong gumagawa ng tama sapagkat mayroon siyang tiwala sa katotohanan ng salita ng Diyos.  Si Noah at ang kanyang asawa, tatlong anak at kanilang asawa lamang ang naligtas sa kamatayan nang dumating ang bahang bumalot sa buong mundo.

 

     Malalaman natin ang katotohanan sapagkat ihinahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili sa atin.  Ang pagpapahayag na ito ay Kanyang isinasagawa sa pamamagitan ng dalawang paraan.  Una sa pamamagitan ng sangnilikha.  Marami tayong matututuhan tungkol sa Diyos sa pag-aaral ng kalikasan, ng sangkap nito at mga batas na dito ay nagpapagalaw.  Subalit hindi lamang sa kalikasan ihinahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili.  Sa katauhan ng mga propeta sa Lumang Tipan, itinuro ng Diyos sa mga Israelita ang paraan upang makapamuhay ng tama o matuwid.  Ang mga apostol at propeta sa Bagong Tipan naman ay nagsalita sa Iglesya ukol sa katuparan ng mga hulang  taglay ng Kasulatan na tumutukoy sa pagdating ng Mesiyas. Sa loob ng mga 30 taon, si Jesus ay namuhay sa lupa at nangaral tungkol sa Diyos at sa Kanyang kaharian.  Ang mga pahayag na ito ay isinulat ng iba’t ibang tao sa ilalim ng masusing pagmamasid ng Diyos Espiritu Santo. 

 

    Marami sa ating paniniwala ang salungat sa mga pahayag ng Diyos; tulad ng pagtatawas, panghuhula o pangkukulam.  Sa iba’t ibang probinsya, ginagawa pa rin ang pag-aalay ng patay na hayop sa “diyos” para sa pagpapatibay ng isang gusali o tulay na kanilang ginagawa.  Maging Pinoy, Tisoy, o  Chinoy man, may kanya-kanya tayong mga pinaniniwalaang mabuti at tama ngunit labag naman sa batas ng Diyos.  Ito ay nagpapatunay na ang ating pagtitiwala ay wala sa salita ni  Cristo. 

 

     Ang tunay na katotohanan ay hindi nagmumula sa mga pangangatuwiran, pakiramdam, kaugalian, karanasan o sa haka-haka ng tao kundi sa Diyos lamang.

 

IKALAWANG BAHAGI – ANG TUNGKOL SA KALIKASAN NG DIYOS

 

Artikulo 6 – Ang Diyos ay napakatayog o transcendent; Siya ay lampas pa sa pinakamataas at pinakamalalim na pang-unawa ng tao.

 

     Ang Diyos ay napakatayog o transcendent. Siya ay lampas pa sa pinakamataas at pinakamalalim na pang-unawa ng tao.  Ang pagiging matayog o transcendent ay katangian na hindi nasasakop ng panahon, kalawakan at kaisipan ng tao.  Bagamat ang Diyos ay nasa kabuoan ng panahon, kalawakan at isipan, Siya ay lampas pa sa lahat ng ito. Ang Diyos ay walang kapantay sa karunungan at kaalaman.  Tunay na napakatayog ng Kanyang kaluwalhatian at kadakilaan.

 

     Ang tanong ay ito:  Kaya bang arukin ng isipan ng tao ang kabuoan ng Diyos?

 

     Matutunghayan natin ang kuwento ng Tore ng Babel sa Genesis 11:1-8.  Maraming taon ang lumipas matapos ang dilubyo.  Dumami na naman ang mga tao.  Ang paglaganap at paglalakbay nila ay patungong silangan.  Dumating sila sa Shinar at doon sila ay namirmihan.  Ang sabi nila ay ganito, “Magtatag tayo ng isang siyudad na may toreng aabot sa langit upang tayo ay magkapangalan, at hindi mapadpad sa iba’t ibang dako ng mundo at magkahiwa-hiwalay.”  Ito ay labag sa kalooban ng Diyos.  Ginulo ng Diyos ang kanilang iisang wika.  At dahil hindi na sila magkaintindihan, sila ay nagkanya-kanya ng landas.  Hindi na natuloy ang paggawa ng toreng aabot sa langit.

 

     Marami sa ating mga Pinoy ang mahilig magdunung-dunungan.  Yun bagang mga “know it all.”  Sila ay mahilig mamilosopo subalit wala namang pinagbabasihan ang kanilang salita kundi sariling haka-haka.  Kadalasan yun lamang ang kanilang ginagawa sa maghapon - - ang dumaldal.  Puro salita, kulang sa gawa.

 

     Hindi kayang arukin ng isipan ng tao ang kabuoan ng Diyos.  Kailangan niya ng tulong upang magkaroon siya ng sapat na pang-unawa tungkol sa Diyos.  Sa aklat ng Filipos 2:6-7 sinasabi na inalis muna ni Jesus ang kanyang kaluwalhatian at Siya ay nakibagay at namuhay nang tulad ng isang tao upang maipahayag Niya ang kalikasan at kalooban ng Diyos sa paraang maiintindihan ng tao.

 

     Huwag sana tayong tumulad sa mga taga-Shinar na nagtangkang gumawa ng sariling daan tungo sa langit.  Ating pagtiwalaan ang sinabi ni Cristo na Siya lamang ang daan tungo sa katotohanan, sa buhay at sa Diyos Ama (Juan 14:6).  Ating tahakin ang daan na inihanda ng Diyos noong una pa man - - ang daan tungo sa pagpapatupad ng Kanyang plano para sa ating buhay at mundo.

 

Artikulo 7 – Ang Diyos ay napakalapit o immanent; Siya ay nananahan sa limitasyon ng panahon, espasyo at kaisipan ng tao

 

     Ang Diyos ay napakatayog. Hindi Siya kayang abutin ng tao o unawain ng lubusan. Sa kabilang dako, sinasabi din ng Bibliya na ang Diyos ay napakalapit o immanent.  Siya ay nananahan sa limitasyon ng panahon, kalawakan at kaisipan ng tao.

 

     Sa simula, malapit sa tao ang Diyos. Taglay ng tao ang tunay na wangis o larawan ng Diyos.  Subalit dahil sa kasalanan, pinalayas ng Diyos ang tao sa Paraiso.  Dumilim ang isipan ng tao at lumabo ng husto ang pagkakilala niya sa Diyos.  Ang kasalanan ang dahilan sa pagdilim ng ating kaisipan at sa pagkahiwalay natin sa Diyos.

 

     Ang tanong ay ito:  Kung ang Diyos ay napakatayog o transcendent, paano Siya mauunawaan ng tao?

 

     Tinangkang abutin ng mga taga-Shinar ang langit sa pamamagitan ng kanilang sariling kagustuhan at lakas; nagtangka silang gumawa ng isang napakataas na tore.  Sila ay nabigo.  Nang mahulog sa kasalanan si Eba’t Adan, nadiskubre nila na sila nga ay hubad at sila ay nahiya.  Kumuha sila ng mga dahon sa halamanan na tinabas nilang panaklob. Subalit ang ginawa ng Diyos upang matabingan ang kanilang kahihiyan ay ang balutan sila ng balat ng hayop.  Isipin natin na may namatay na hayop upang magamit ang kanyang balat na panaklob.  May paraan ang tao, may paraan ang Diyos.

 

     Madalas nating marinig ang kasabihang, “It’s not what you know, but whom you know.”  Liban sa lagay system, mayroon pa tayong padrino system.  Kailangang may kakilala ka sa loob ng gobyerno para gumalaw ang papeles mo.  Pati sa panliligaw, hahanap pa ng tulay ang lalaking may nakukursunadahan.

 

     Upang maunawaan ng tao ang napakatayog na Diyos, nagkatawang lupa ang Kanyang Anak na si Jesus.  Sinasabi sa Juan 1:1 at 14 ang ganito: Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. At ang salita ay nagkaroon ng laman at nanirahang kasakasama natin.  Sa Juan 14:6 naman, ito ang sinasabi ni Cristo, Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan Ko.

 

     Samakatuwid, hindi natin kailangan ang padrino o tulay o ang maglagay sapagkat mayroon nang ginawang paraan ang Diyos upang tayo ay makalapit sa Kanya. Si Cristo ang ating lapitan upang marating ng ating mga panalangin ang matayog na Diyos.  Si Jesus ay tinatawag ng Bibliya na Immanuel - - Diyos na kasama natin.

 

Artikulo 8 – Ang Diyos ay maaring makilala ng personal sa pamamagitan

ng Kanyang Anak na si Jesu-Cristo.

 

     Dahil kay Cristo ang Diyos na malayo man ay malapit din.  Sinasabi sa Hebrews 1:2 na si Cristo ang luningning o ang kinang ng kaluwalhatian ng Diyos at ang Kanyang tamang-tamang representasyon.  Sa Colossians 1:15 naman, ang sinasabi tungkol kay Cristo ay ito: Siya ang larawan ng hindi nakikitang Diyos.  Maliwanag na itinuturo ng Bibliya na ang kalikasan ni Jesus ay kalikasan ng Diyos, tulad ng sa Ama at Espiritu Santo.  Iisa lamang ang kalikasan ng Diyos at may tatlong persona ang nagtataglay nito.  Samakatuwid walang pinagkaiba ang Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo.  Isang Diyos, tatlong persona.

 

     Ang tanong ay ito: Paano natin makikilala ng personal ang Diyos?

 

     Matapos banggitin ni Jesus na Siya ang daan, katotohan at buhay, na walang makapaparoon sa Ama kundi sa pamamagitan Niya, sinabi ni Philip ang ganito: Panginoon, tama na sa amin na ipakita Ninyo ang Ama.  Ang naging tugon ni Jesus ay, Kung sino ang nakakita sa Akin, ay nakakita na rin sa Ama. Juan 14:9

 

     Noon, napakahilig kong manligaw.  Subalit minsan mayroon talaga akong napusuan. Madalas na kami ay nagkakatinginan kapag ako ay dumadaan sa harap ng kanilang bahay.  Bumabagal ang aking paglakad habang bumibilis naman ang tibok ng aking puso sa tuwing sasadyain ko ang kanilang lugar.  At siyempre pa, titingin ako sa kanyang bintana, umaasa na naroroon siya at nakadungaw. Alam ko na may crush kami sa isa’t isa.  Subalit hindi ako magkalakas-loob na kumatok sa kanilang pintuan upang sabihin sa kanyang magulang kung puwedeng mabisita ang kanilang anak.

 

     Isang araw, nakita ko siyang nakadungaw at katabi niya ang isa kong kaklase.  Nagkukuwentuhan sila.  Ang pumasok agad sa isip ko ay may tulay na ako.  At ganoon nga ang nangyari.  Isinama ako ng aking kaklase sa kanilang bahay.  Pinayagan ako ng kanyang magulang na makabisita sa kanya. Lumipas ang pitong buwang panliligaw.  At dahil sa aming pag-uusap, pagkukuwentuhan, paglalaro, at pagpapahayag ng aming mga damdamin sa isa’t isa, nagkakilalanan kami ni Melanie ng lubusan. 

 

     Makikilala natin ng personal ang Diyos kung kikilalanin natin si Cristo. Hindi natin mauunawaan ang Kanyang kalooban kung hindi natin aalamin ang katuruan ni Jesus. Hindi natin malalaman kung gaano kawalang hanggan ang pagmamahal sa atin ng Diyos Ama kung hindi natin kikilalanin ang Diyos Anak.

 

Artikulo 9 – Karapat-dapat na ang tao ay sumamba at maglingkod sa Diyos

 

     Sinasabi sa Genesis 1:27-28 na nilikha ng Diyos ang tao, lalaki at babae, sa sarili Niyang wangis. At pagkatapos, sila ay Kanyang binendisyonan at sinabihang, Maging mabunga kayo at magparami ng bilang; punuin ninyo ang mundo at supilin ito; Pagharian ninyo ang mga isda sa karagatan, mga ibon sa kalawakan, at lahat nang gumagalaw sa balat ng lupa.

 

    Ang inilalarawan ng salitang ginamit sa pagbebendisyon ng Panginoon sa tao ay ang pagluhod. Kapag tayo ay nakaluhod sa harapan ng Diyos, dalawang bagay ang ating pinahihiwatig: pagsamba at pagpapasakop. Samakatuwid ang pagpapala ng tao ay nasa pagsamba at paglilingkod sa kanyang Maylikha. Ang kanyang kaligayahan ay kalakip ng dalawang bagay na ito.     

 

     Ang tanong ay ito: Paano ang tamang paraan ng pagsamba at paglilingkod sa Diyos?

 

     Ang pagsamba ay ang pagbibigkas ng ating pagmamahal sa Diyos at pagbibigay puri sa Kanya at sa mga kamangha-mangha Niyang ginawa.  Ito ay ang pagbibigkas ng mga dakilang katangian ng Diyos. Ito ay ang pagbibigkas ng karapatan ng Diyos na tumanggap ng lahat ng kaluwalhatian, karangalan at pasasalamat.

 

     Ang paglilingkod sa Diyos ay ang pagpapatupad ng Kanyang layunin para sa tao: Ang maging mabunga at magparami ng bilang; ang pagpupuno ng mundo at pagsupil sa lupa; at ang pamamahala ng mga isda sa karagatan, mga ibon sa kalawakan, at lahat nang gumagalaw sa balat ng lupa.

 

     Ayon kay Cristo sa Juan 4:24,  ang tamang paraan ng pagsamba sa Diyos ay pagsamba sa espiritu at katotohanan.  Ayon naman sa Mateo 4:10,  ang tamang paraan ng paglilingkod sa Diyos ay paglilingkod lamang sa Kanya at sa walang iba pa.

 

     Ang mga Pilipino ay palasimba. Kaya naman kapag araw ng Linggo, punung-puno ang mga simbahan sa buong bansa.  Subalit dapat nating siyasatin ang ating mga puso kung ang ginagawa nating pagsisimba ay nagiging ritual at obligasyon lamang.  At kung ang ating mga dasal ay nagmumula sa puso’t kaluluwa at hindi galing lamang sa bibig.

 

     Sinabi ni Cristo sa Mateo 6:24 na, Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon. Isa dito ay kanyang mamahalin at isa ang kanyang kamumuhian. Hindi mo magagawang maglingkod sa Diyos at sa Salapi.

 

Artikulo 10 – Inatasan ng Panginoon ang tao na lumikha ng isang sibilisasyon na nagbibigay puri sa Diyos.

 

     Ang Diyos ay Hari ng lahat ng mga hari.  Walang di nasasakop ang Kanyang kapangyarihan.  At ang kapangyarihang ito ay walang katapusan.  Napapanatili Niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan lamang ng Kanyang salita.  Siya ay gumagawa ng kahit anong bagay na Kanyang naisin; ginagawa Niya ito kung kailan Niya gustuhin at kung para sa ano mang kadahilanan na kalugod-lugod sa Kanya. Ang paghaharing ito ay tinatawag na soberenya ng Diyos.

 

    Binendisyunan ng Diyos ang nilikhang tao at pagkatapos ay inatasan: Maging mabunga kayo at magparami ng bilang; punuin ninyo ang mundo at supilin ito; pamahalaan ninyo ang lahat na nilikha Ko.   Ito ang layuning ibinigay ng soberenyang Diyos sa tao - - ang lumikha ng isang sibilisasyon na magbibigay puri sa Kanya.

 

     Ang tanong ay ito: Paano makapagbibigay puri ang isang sibilisasyon?

 

     Mayroong kandidato sa pagka-presidente noon ang nagsabing, “Ang kailangan ng Pilipino ay maging maka-Diyos,  maka-tao,  maka-bayan at maka-kalikasan.  Tama siya.  Ang ating pagiging maka-Diyos ang magtutulak sa atin upang mahalin natin ang ating kapuwa tao.  Ang ating pagiging maka-tao naman ang mag-uudyok upang tayo ay maging maka-bayan at maka-kalikasan.  

 

     Ang pagsamba at paglilingkod ay hindi mapaghihiwalay sa ating pamumuhay.  Hindi maaring masabi ng isang tao na siya ay sumasamba sa Diyos kung hindi naman siya naglilingkod.  At hindi rin masasabing siya ay naglilingkod sa Diyos kung ang kanyang ginagawa ay hindi bunga ng kanyang pagsamba at pagmamahal sa Panginoon.

 

     Hindi makita sa ating kultura na nagbubunga ng ating inaangking pagsamba at paglilingkod sa Diyos bilang mga Cristiano.  Tayo ay sumisimba ngunit hindi nagmamahalan.  Tayo ay nagdarasal ngunit siraan nang siraan.  Maging ang ating paligid ay puno ng basura.  Ito ay nagpapatunay na hindi natin tunay na nauunawaan ang layunin ng Diyos para sa tao.  O kung naiintindihan man, ito ay ating binabalewala.

 

     Magiging isang lipunan tayo na nagbibigay puri sa Diyos kung ating tutularan ang ugali ni Cristo.  Kung tayo ay magiging maka-Diyos, maka-tao, maka-bayan at maka-kalikasan, mapagiginhawa natin ang buhay ng bawat Pilipino.  Walang gugutumin at ang lahat ay makapamumuhay sa magandang kapaligiran.

  

IKATLONG BAHAGI - ANG KALIKASAN NG TAO

Artikulo 11 – Ang tao ay may dignidad dahilan lamang sa taglay niyang larawan ng Diyos

 

     Nagtataka si Job kung bakit masyadong pinagkaka-abalahan ng Diyos ang tao (Job 7:17).”  Ang paliwanag ay nasa Genesis 5:1-2, “Nilikha ng Diyos ang tao na kalarawan Niya. Nilalang Niya ang isang lalaki at isang babae, at matapos pagpalain, sila’y tinawag Niyang Tao.” 

 

     Ang tanong ay ito: Ano ba ang nilalarawan ng tao tungkol sa Diyos?

 

     Sa Mga Awit 8:4, ganito naman ang katanungan sa Diyos: “Ano ang tao na laging Mo siyang inaalala, ang anak ng tao na iyong inaaruga?”  Sinasabi naman sa Mga Awit 139:14 na kahanga-hanga at buong ingat ang paglikha ng Diyos sa tao.

 

     Ang pagkalikha sa tao ay bukod-tangi.  Ang tao ay makapaglalarawan ng karunungan, katuwiran at kabanalan ng Diyos.  Kabilang sa mga katangiang tinanggap niya ang pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, katapatan, kahinahunan, at pagtitimpi sa sarili.  Subalit, hindi nangangahulugan na ang tao ay walang pinagkaiba sa Diyos.  Ang kalikasan ng Diyos ay sa Diyos lamang.  Siya ay walang simula at walang wakas.  

 

     Isa pang kahulugan na ang tao ay nagsasalarawan ng Diyos ay ang pagkakaroon niya ng talino, damdamin, at kakayahang magpasiya.  Ang mga bagay na ito ay nananahan sa kanyang puso, ayon sa Bibliya. 

 

     Dahil sa kami ay mahirap, marami ang pang-aaping nilasap ko mula sa mga kaklase kong mayayaman.  Lumaki akong mahiyain at may mababang pagtingin sa sarili.

 

     Tinuturo ng Hebrews 1:3 at Colossians 1:15 na si Cristo ang eksaktong representasyon at larawan ng hindi nakikitang Diyos.  Sa pagkatao ni Cristo, ito ang sinasabi sa Isaiah 53:2: “Wala Siyang kagandahan o kamaharlikahan na mag-aakit sa atin.  Walang kaanyuan upang Siya ay ating naisin.”  Samakatuwid, ang dignidad ni Cristo ay wala sa pisikal o materyal na bagay kundi nasa Kanyang kalooban.

 

     Nawala ang mababang pagtingin ko sa aking sarili nang naunawaan ko ang katotohanang ito.  Ang aking karangalan o dignidad ay nasa pagkalikha sa akin ng Panginoong Diyos; na ako ay likha sa Kanyang sariling larawan.

 

Homework: a) Basahin ang Romans 8:29. Sa anong wangis ang kauuwian ng mga nanalig kay Cristo? b) Basahin ang Colossians 3:9-10 at Ephesians 4:22-24. Saan patungo ang ginagawang pagbabago ng mga mananampalataya kay Cristo? c) Basahin ang Galatians 5:22-23. Sa paanong paraan natin masusukat ang paglago ng ating buhay espirituwal?

 

Artikulo 12 – Ang tao ay nilikhang malaya ngunit may pananagutan sa Diyos

 

     Matapos ilagay ng Diyos ang tao sa Hardin ng Eden upang ito ay pagyamanin at alagaan, sinabi Niya kay Adan na maaari siyang kumain ng prutas ng kahit anong puno sa Eden maliban lamang sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama, sapagkat sa araw na siya ay kumain nito, siya ay tiyak na mamamatay (Genesis 2:17).  Maraming klaseng bungangkahoy ang nasa Eden.  Tunay na malaya ang tao na tuparin ang layuning pinagkaloob sa kanya ng Diyos sa ano mang paraang kanyang maisipan.  Siya ay malaya ring kumain ng sari-saring uri ng prutas, huwag lamang mula sa pinagbabawal na puno.

 

     Ang tanong ay ito: Ano ang ibig sabihin ng kalayaang pinagkaloob ng Diyos sa tao?

 

     Noong June 12, 1898, dineklara ng ating mga ninuno ang kanilang kalayaan mula sa pananakop ng mga Espanyol.  Nagtatag sila ng sarili nilang gobyerno.  Subalit hindi nagtagal ang kalayaang ito sapagkat ang Pilipinas ay sinakop ng mga Amerikano.

 

     Di tulad ng mga Espanyol, naging mainam ang ginawang pananakop ng mga Amerikano. Dumating ang panahon na naging magaan ang pagsunod ng ating mga kababayan sa kagustuhan ng mga banyaga.  Sila ay pinangakuan ng kalayaan.

 

     Ang kalayaan na pinagkaloob ng Diyos sa tao ay ang karapatang tuparin ang kanyang kagustuhan sa ilalim ng pananakop ng batas ng Diyos.  Ang tao ay nilikhang malaya subalit hindi siya nilalang upang gumawa ng sariling batas na sasakop sa kanyang pamumuhay na walang pananagutan sa Diyos.  Hindi rin ibig sabihin na ang malayang tao ay makagagawa ng anumang naisin niya.  Halimbawa, hindi niya maaaring palitan o baguhin ang mga ginawa ng Diyos tulad ng katangiang pampisikal na kanyang taglay o anumang batas ng kalikasan.

 

     Bagamat dumating ang araw na nakamtan ng mga Pilipino ang pinangakong independensya - samakatuwid ay hindi na sila mananagot sa America -  patuloy pa rin ang kanilang pananagutan sa Diyos patungkol sa uri ng kanilang pamumuhay.  Walang bayan sa balat ng lupa na labas sa pananakop ng Soberenyang Diyos.  

 

     Matapos makalaya ang bayan ng Israel mula sa pagka-alipin sa Egypt, nakipagtipan ang Diyos sa kanila.  Ang tipan na ito ang nagpapatunay na makakamtan ng mga Israelita ang kasaganaan kung sila ay mananatiling tapat sa Diyos.  Ang kabaligtaran naman ay tiyak na mangyayari din kung sila ay susuway sa Kanyang mga kautusan.  Ang mga Israelita ay may kalayaang sundin o hindi sundin ang kalooban ng Diyos.  Ang kasaganaan o kapahamakan ay nakasalalay sa kanilang mga kamay.

 

Homework: a) Basahin ang Roma 6:23. Ano ang kabayaran ng kasalanan? b) Basahin ang Roma 3:23.  Sino ang nararapat na magtamo ng kamatayan? c) Basahin ang Juan 5:24 at Roma 8:1.  Sino ang makatatamo ng kalayaan mula sa kamatayan at mawawalan ng pananagutan sa kanyang kasalanan?

 

Artikulo 13 – Ang tao ay nilikha na may tunay na kaalaman, katuwiran at kabanalan; ngunit siya ay nahulog sa kasalanan at nawalay sa Diyos

 

    Ang tao ay nilikha ng Diyos na may tunay na kaalaman, katuwiran at kabanalan. Malaya siyang sumamba at maglingkod sa Diyos.  Nauunawaan niya ang kanyang  layunin na gumawa ng isang kabishasnan na magbibigay puri sa Diyos.  Subalit siya ay nahulog sa kasalanan at dumanas ng kamatayan.

 

     Ang tanong ay ito:  Ano ang ibig sabihin ng tunay na kaalaman, katuwiran at kabanalan?  At ano ang ibig sabihin ng kamatayan?

 

     Bago Siya magpahayag, madalas binabanggit ni Cristo na ang sasabihin Niya ay totoo.  Sa Juan 14:6, sinabi Niya na Siya ang katotohanan.  Si Cristo ay may tunay na kaalaman; ang lahat ng Kanyang nalalaman ay katotohanan.  

 

     Sinabi ni Apostol Pedro na si Cristo ay ang kordero ng Diyos na walang bahid o dipekto;  Siya ay hindi nagkasala at ang Kanyang bibig ay walang taglay na panlilinlang (1 Pedro 1:19, 2:22).  Si Cristo ay may tunay na katuwiran; wala Siyang kasalanan.  

 

     Sa Luke 1:35, tinagurian si Cristo na Ang Banal.  Siya ang ipinangako ng Diyos na tagapagligtas ng Kanyang bayan.  Siya ay nabuhay sa mundo para sundin lamang ang kalooban ng Diyos.  Si Cristo ay man tunay na kabanalan; ang Kanyang buhay ay binukod-tanging kasangkapan para sa katuparan ng layunin ng Diyos. 

 

     Nang likhain ang tao, siya ay may tunay na kaalaman - - ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa Diyos at sangnilikha at pawang totoo.  Siya ay may tunay na katuwiran - - wala siyang kasalanan.  At siya ay may tunay na kabanalan - - siya ay binukod tangi ng Diyos para sa layunin ng Diyos.

 

     Binigyan ng Diyos ang tao ng kalayaang makapag-desisyon ng sarili ngunit hindi ang kalayaang makapagsarili.  Ang tao ay hindi maaaring maging batas para sa kanyang sarili.  Nang suwayin niya ang utos ng Diyos, siya ay nararapat na husgahan ng kamatayan.  May dalawang uri ng kamatayan:  a) espirituwal - ang pahihiwalay ng espiritu ng tao sa espiritu ng Diyos, at b) pisikal - ang paghihiwalay ng kaluluwa ng tao sa kanyang katawang lupa.  Nang araw na nagkasala ang tao, siya at agad dumanas ng espirituwal na kamatayan.  Marami pang taon ang lumipas bago siya namatay nang pisikal.

 

Homework: a) Basahin ang Roma 1:18-32. Maliwanag ba ang pagpapahayag ng Diyos sa kalikasan tungkol sa Kanyang sarili?  b) Anong mga katangian ng Diyos ang natutunghayan sa kalikasan?  c) Ano ang nangyayari sa isip ng mga suwail?  d) Ano ang sukdulang kasalanan na ginagawa ng tao ayon sa talatang ito?  e) Basahin ang Efeso 2:1-5.  Ano ang larawan ng tao sa talatang ito?  f) Sino ang kanyang sinusunod?  g) Ano ang nagtulak sa Diyos sa Kanyang ginawa?  h) Ano ang ginawa ng Diyos, ayon sa talatang ito?

 

Artikulo 14 – Ang Tao ay Tatanggapin ng Diyos sa pamamagitan

ni Jesu-Cristo

 

     Ang kasalanan kailanman ay hindi magiging katanggap-tanggap sa Banal na Diyos. Lahat ay nagkasala at ang kabayaran ng ating kasalanan ay kamatayan (Roma 3:23, 6:23).  

 

     Ang tanong ay ito:  Paano tayo napawawalang-sala ng Diyos upang tayo ay maging katanggap-tanggap sa Kanya?

 

     Apat na raang taon ang lumipas nang muling magkaroon ng propeta sa bayan ng Israel matapos pumanaw ni Malachi.  Mula sa ilang, narinig ang malakas na hiyaw ni Juan Bautista, “Magsisi kayo sa inyong kasalanan, malapit na ang kaharian ng Diyos.”   At noong panahong iyon dinalaw ng isang anghel si Birheng Maria, na kasintahan ni Jose.  Sinabi ng anghel na dadalhin ni Maria sa kanyang sinapupunan ang uupo sa trono ni David na maghahari sa bayan ng Israel magpakailan pa man (Lukas 1:32).

 

     Nang mapag-alaman ni Jose na nagdadalang-tao si Maria,  minabuti niya na makipagkasira sa kasintahan nang palihim upang ito ay hindi mapahiya.  Subalit bago magawa ni Jose ang bagay na iyon, binigyang liwanag ng anghel sa kanyang isipan.  At sinabi ng anghel kay Jose na pangalanan niya ang sanggol na Jesus sapagkat Siya ang magliligtas sa Kanyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan (Mateo 1:21).

 

     Sa Hebreo 9:22 sinasabi na kung walang daranak na dugo, walang kapatawaran. At sa Leviticus 17:11 matututuhan natin na ang buhay ng isang nilalang ay nasasa dugo at dugo ang panaklob sa kasalanan na pinag-utos ng Diyos na gamitin ng sinuman lalapit sa Kanyang harapan.

 

     Ang Abu Sayyaf ay nasa listahan ng mga Amerikano bilang terorista sapagkat napakaraming beses na sila ay nagkamal ng milyon-milyong piso dahil sa pagtubos sa kanilang mga naging biktima.  Hindi mahalaga sa Abu Sayyaf kung sino ang nagbayad ng tubos, basta may nagbayad, tapos ang kuwento.

 

     Ang buhay ni Cristo ay mahalaga pa sa buhay ng lahat ng makasalanang tao sa buong mundo sapagkat ang Kanyang buhay ay walang bahid;  walang ano mang karumihan.  Sa mata ng Diyos, walang katumbas ang buhay ni Cristo.  Wala nang iba pang katanggap-tanggap sa Diyos bilang pantubos sa makasalanang tao kundi ang buhay ni Jesus.  Dumanak ang dugo ni Cristo sa Kalbaryo.  Sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Cristo, ang nagsisising tao ay napawawalang-sala at siya ay nagiging katanggap-tanggap sa Diyos dahil sa katuwiran ni Cristo na babalot sa kanya.

 

Homework: a) Basahin ang 2 Corinto 5:21. Ano ang ginawa ng Diyos ayon sa talatang ito?  b) Basahin ang Galatia 3:6-14. Paano namumuhay ang matuwid na tao?  c) Basahin ang Roma 4:1-14. Ano ang nakapagliligtas sa makasalanang tao?

 

Artikulo 15 – Ang mga Nagtitiwala kay Jesus ang Nagiging Kasangkapan ngTranspormasyon ng Lipunan

 

     Tulad ng arina, ang lebadura ay sangkap na ginagamit sa paggawa ng pandesal. Ito ang nagpapaalsa sa tinapay.  Kapag ang tinapay ay walang alsa, ibig sabihin ay hindi ginamitan ng lebadura.

 

     Minsan, nagkuwento ang Panginoong Jesus.  Ang wika Niya sa Mateo 13:33: Ang kaharian ng langit ay tulad ng lebadura na kinuha ng isang babae at isinama sa isang malaking kumpol na arina hanggang sa ito ay humalo sa buong masa.

 

     Sinasabi sa Ephesians 2:10 na tayong mga nagtitiwala kay Cristo ay gawang-sining ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang magtrabaho ng mabubuting gawa na itinalaga Niya para sa atin.  Samakatuwid, marami tayong magagawa para sa pagbabago ng ating lipunan.

 

     Ang tanong ay ito:  Paano tayo makatutulong sa transpormasyon ng ating bayan?

 

     Dahil sa kahirapan, hindi pumapasok sa aking isipan ang tumulong sa kapwa habang ako ay lumalaki.  Wala akong nasa isip kundi ang yumaman.  Kaya hindi ako nagdalawang isip nang ako ay tanungin ng aking ina kung nais kong makapunta sa America at doon maghanap ng trabaho. At doon, nakilala ko ang aking napangasawa.

 

     Matapos ang mahabang panahon ng pagpapagal, nakabili kami ng bahay, kotse at maraming kasangkapan.  Subalit hindi nagtagal ang kasiyahang dinulot ng mga bagay na ito.  Muli akong naghanap ng kasagutan. 

 

     Dumanas ako ng isang matinding transpormasyon nang makilala ko si Cristo.  Siya ang nagbigay liwanag sa aking puso tungkol sa layunin ng aking buhay.  Nakamtan ko ang ligaya nang mapag-alam ko ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa akin.  Maging ang aking maybahay ay dumanas din ng transpormasyon.  Ang mahalaga sa amin ngayon ay ang sumamba sa Diyos at makatulong sa kapwa.

 

     Maliwanag na itinuturo ng Bibliya na tayong mga mananampalataya ay may tungkulin sa kaharian ng Diyos. Tayo ay pinagkalooban ng mga abilidad at talento para magamit sa kaunlaran at paglago ng ating lipunan.  Mayroon tayong mga mabubuting gawain na dapat pagpaguran. Tayo ay gagamitin ng Diyos na parang lebadura sa pagbabago ng ating bayan. Nararapat na ating harapin ang layuning ito.

 

Homework: a) Basahin ang Roma 12:3-8. Ano ang mga kaloob sa iyo ng Diyos na iyong magagamit sa paglilingkod sa iyong iglesya lokal at sa iyong barangay? b) Kung hindi mo alam o hindi ka sigurado, papaano mo ito malalaman? Ipaliwanag.

 

IKA-APAT NA BAHAGI – ANG TUNGKOL SA POLITIKA AT RELASYON SA AWTORIDAD

 

Artikulo 16 – Ang lahat ay sakop ng awtoridad; ang pinakamataas na awtoridad ay taglay ni Jesu-Cristo

 

     Ang politika ay agham ng gobyerno.  Ito ay tungkol sa awtoridad, pamamahala, kapangyarihan at pagsakop sa mga taong namumuhay sa isang bansa, lipunan, munisipyo at barangay. 

 

     Ang soberenya ng Diyos ang namamahala sa buong sansinukob sa pamamagitan ng Kanyang probidensya.  Ang Diyos ang may walang hanggang kapangyarihan, kaalaman at presensya. Alam Niya ang puno’t dulo ng lahat ng bagay at pangyayari.  Walang mangyayari sa sansinukob na walang pahintulot ang Panginoong Diyos.

 

     Inilalarawan sa Isaias 14:12-14 ang pagbagsak ng isang makapangyarihang anghel, si Lucifer.  Siya ay nagkaroon ng pagnanais na maging tulad ng Diyos.  Tinangka niyang alisin ang kanyang sarili sa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos at agawin sa Panginoon ang pamahalaan ng sansinukob.  

 

     Bago umakyat si Cristo matapos ang Kanyang misyon, sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo na lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa ay ibinigay na sa Kanya ng Kanyang Ama (Mateo 28:18).   Si Cristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.

 

     Mapapansin natin ang kaibahan ng dalawang kuwentong ito. Si Lucifer ay nagtangkang mang-agaw ng kapangyarihan, samantalang si Cristo ay naghintay na  pagkalooban nito.

 

     Ang tanong ay ito:  Bakit patuloy na nakagagawa si Lucifer o Satanas ng panggugulo sa mundo kung siya ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo?

 

     Noon, maraming mga opisyal ng military ang nagtangkang agawin kay Presidente Aquino ang pamamahala ng gobyerno.   Silang lahat ay nabigo.  Samantala, mayroong naghintay na ang People Power ang magluklok sa kanila sa Malacanang.  Ang military coup sa demokrasya ay hindi sang-ayon sa kalooban ng Diyos. Ang tungkulin ng Philippine Military ay ang pairalin ang kalooban ng nagkakaisang bayan sa panahon ng krisis.  Si Satanas ay patuloy na ginagamit ng Diyos para sa katuparan din ng Kanyang kalooban - - tulad ng pagiging presidente ni Aquino at Arroyo.

 

Homework: a) Basahin ang Genesis 37:2-36, 39:1-41:49. Isulat ang mga pagkakataon na nagpapatunay na nauunawaan ni Joseph ang kalooban ng Diyos patungkol sa relasyon ng isang mananampalataya sa awtoridad. b) Basahin ang Mateo 8: 4-13.  Paano pinakita ng senturion ang pagkakaroon ni Jesus ng awtoridad?

 

Artikulo 17 – Ang Magulang ang May Awtoridad sa Tahanan

 

     Ang mga magulang ay may awtoridad na pasunurin ang kanilang mga anak.  Kasama ng awtoridad na ito ay ang malaking responsibilidad.  Ang mga magulang ay inatasang palakihin ang kanilang mga anak sa disiplina at turo ng Panginoon. 

 

     Sa aklat ng Mga Kawikaan sinasabi sa mga sumusunod: “Ang hindi gumagamit ng yantok sa anak ay hindi nagmamahal sa kanya, subalit ang mapagmahal na magulang ay nagdidisiplina (13:24). Disiplinahin ang bata para magkaroon ng pagasa; huwag padamay sa mga masisisi sa kanyang kamatayan (19:18).  Sanayin ang bata sa landas na dapat lakaran, at pag tanda niya hindi niya ito tatalikdan (22:6). Ang kalokohan ay nakapaloob sa puso ng bata, ang yantok ang makakatanggal nito (22:15). Disiplinahin mo ang iyong anak at bibigyan ka niya ng katahimikan; kasiyahan ng kaluluwa ang dadalhin niya sa iyo (29:17).”  Sa Colosas 3:21 naman nakasulat para sa ama na huwag niyang galitin ng sobra ang anak upang ito ay hindi manlugmok. 

 

     Sa Deuteronomeo 6:4-9 inutos ng Diyos sa bayan ng Israel na mahalin nila ang Panginoong Diyos ng buong puso, kaluluwa at lakas. Sinabi pa Niya na ang Kanyang mga pinag-uutos ay dapat isapuso at ipako sa isipan ng kanilang mga anak.  Pag-usapan nila ang mga ito habang sila ay nakaupo sa bahay at kapag sila ay naglalakad sa kalye, kapag sila ay nahihimlay at kapag bumabangon.  Samakatuwid, sa lahat ng oras ay dapat tinuturuan ng ama ang anak tungkol sa kalooban ng Diyos.

 

     Ang tanong ay ito:  Ano ang magiging bunga kung hindi didisiplinahin ang anak?

 

     Palibhasa disiplinaryan ang tatay ko kaya hindi ko masikmura kapag nakakakita ako sa mall ng isang bata na hindi masuheto ng magulang.  Minsan nakita ko sa SM ang ginawang pagbabanta ng magulang subalit hindi niya nakayang pasunurin ang naglulupasay at nagsisisigaw na bata.  Para bang gusto ko nang makialam. Nasabi ko na lamang sa aking sarili na ang bata ring iyon ang kawawa paglaki niya.  Siguradong walang matuwid na direksyon ang takbo ng kanyang buhay at hindi niya makakaya ang mga daranasin niyang pagsubok.  Tinuturo sa Galatia 6:7 na aanihin natin kung ano ang ating itinatanim.

 

     Dahil sa kahalagahan ng pagdidisiplina ng mga anak habang bata pa may utos din ang Diyos sa kanila.  Sa Efeso 6:1-3 at Colosas 3:20 nakasulat para sa mga bata na dapat nilang sundin ang kanilang mga magulang sa lahat ng bagay alang-alang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat at kalugod-lugod sa Kanya.

 

Homework:  a) Basahin ang Genesis 25:21-27. Bakit naging magkaiba ang pananaw ng magkapatid patungkol sa mga bagay na espirituwal?  b) Hindi ba pareho ang magulang na nagpalaki sa kanila, pero bakit naging mahalaga kay Jacob ang natatanging pamana sa panganay at hindi kay Esau?  c) Parehong magulang ang nagpalaki sa kanila,  pero bakit nakinig sa Diyos si Abel at hindi nakinig si Cain?

 

Artikulo 18 – Ang Mga Elders ang May Awtoridad sa Iglesya-lokal

 

     Ang itinalaga ni Cristo na mamahala sa iglesia-lokal ay mga elders.  Sa 1 Timoteo 3:1-7 at Titus 1:6-9 nakasulat ang mga katangian at kakayahan na dapat taglay ng isang nagnanais maging elder:  Siya ay hindi mapaparatangan ng anumang masamang bagay, isa lamang ang asawa, mapagtimpi, mapagpigil sa sarili, kagalang-galang, mahusay makitungo sa bisita, maalam magturo, hindi lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon, hindi pala-away, hindi nasisilaw sa pera, magaling mamahala ng kanyang pamilya, hindi baguhan sa pananampalataya, may magandang reputasyon sa labas ng iglesya, matuwid, may kabanalan, disiplinado at mahusay gumamit ng salita ng Diyos sa pagpapasigla at pagpapabulaan ng maling doktrina.

 

     Ang tanong ay ito:  Gaano kahalaga ang pagkakaroon ng mga elders na may tunay na kakayahan?    

 

     Ang sabi-sabi sa mga iglesya sa ating panahon ay ito: Kung susundin natin ang lahat ng kuwalipikasyon na nakasulat sa Bagong Tipan, wala lalabas na karapat-dapat maging elder.  Ang resulta ng pangangatuwirang ito ay ang pagtatatag ng mga elders na kulang sa kakayahan at paghahanda.  Hindi dapat balewalain ang mga pahayag ni Apostol Pablo bilang sukatan kung sino ang pupuwedeng maging elder o hindi.  Napakahalaga na ang mga elders na namumuno sa mga iglesya-lokal ay may tunay na kakayahan sapagkat sa kanilang mga kamay nakasalalay ang paglago ng buhay espirituwal ng mga mananampalataya.  Kinakailangan na magkaroon ng mahusay na values education, hindi lamang sa mga barangay, kundi sa mga iglesya-lokal.  Kulang na kulang ang mga guro sa ating mga Sunday School.

 

     Bagamat hindi nakalista ng sunod-sunod ang mga katungkulan ng mga elders ng iglesya, ang apat na tungkulin na maliwanag na binabanggit ng Banal na Kasulatan ay:     

      a.  Ang pagpapakain sa kawan 

      b.  Ang pagkalinga sa kawan

      c.  Ang pangangasiwa ng pamumuhay ng iglesya

      d.  Ang pagbabantay sa kawan

 

     Mabigat ang mga tungkuling ito.  Kaya naman dapat pakahigpitan ang paghahanda at pagpili ng mga elders sa simbahan, maging pari man ang tawag sa kanila o pastor.

 

Homework:  a) Ihalintulad ang mga sumusunod na talata sa mga tungkulin ng elders na nabanggit sa itaas:

__________ Mga Awit 23                                       __________ Juan 10:28

__________ Juan 10:28-29                                    __________ Juan 21:15-17

__________ Juan 10:11-16                                     __________ 1 Pedro 5:1-4

__________ 1 Timoteo 5:17                                    __________ Mga Gawa 20:28

__________ Hebreo 13:17

 

b) Sa kasalukuyan, kanino ka nananagot bilang isang mananampalataya?

 

Artikulo 19 – Ang Estado ang May Awtoridad na Magpatakbo ng

Gobyerno-sibil

 

     Sinasabi ni Apostol Pablo na ang bawat tao ay dapat pasakop sa mga namamahala sapagkat walang gobyerno na hindi itinatag ng Diyos.  Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban